Feb 25, 2012

King's Tears Chapter 12



DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



Nakatakas si Prinsipe Marcus sa kaniyang mga bantay kaya dali-dali siyang nagtungo sa bulwagan ng palasyo.

Pagkarating niya doon ay hindi niya na naabutan pa si Jay.

“Nasaan na si Jay ama kong hari?” tanong ni Prinsipe Marcus sa kaniyang ama.

“Pinatawan na siya ng kaniyang kaparusahan. Natutupok na ngayon ang kaniyang katawan ng naglalagablab na apoy ng Bagras.” sabat ng kaniyang inang reyna.

Nagulat si Prinsipe Marcus sa kaniyang narinig. Hindi niya inaasahan na ganoon kabilis ang pagbibigay ng hatol kay Jay.

“Kung nagbabalak kang iligtas siya ay huwag mo nang ituloy. Kahit ikaw pa ang prinsipe ng ating kaharian ay wala kang sapat na kapangyarihan upang protektahan ang iyong sarili mula sa mga nilalang doon sa Bagras.” turan naman ng kaniyang amang hari. “Hindi pa sapat ang iyong kapangyarihan upang makapunta doon.” dagdag pa nito.

“Hindi niyo po siya dapat hinatulan agad-agad. Dapat pinakinggan niyo muna ang paliwanag ko kasi totoo naman pong walang alam si Jay sa aking pagkatao.” sabi ni Prinsipe Marcus.

“Hindi lamang ang pagiging lapastangan ng nilalang na iyon ang aming linitis sa kaniya kamahalan. Meron din kasi siyang dalang mga bagay na maaring gamitin para maging ispiya dito sa ating kaharian at alam mong ang paghulog sa Bagras lamang ang nararapat na kaparusahan dito.” sabat ni Ministro Lisandro, ama ng kaniyang matalik na kaibigang si Selena.

“Pero hindi niya alam iyon!” pangangatwiran ni Prinsipe Marcus.

“Alam mo ang ating batas Prinsipe Marcus! Ang nagkasala ay dapat pinaparusahan.” sagot naman ng kaniyang amang hari.

Sasagot sana si Prinsipe Marcus nang bigla siyang maglaho sa bulwagan at mapunta sa kung saan……..



Samantala……………

Mabilis ang pagbulusok ni Jay patungo sa naglalagablab na apoy.

Habang papalapit siya sa dagat ng apoy ay nararamdaman na niya ang init na nagmumula dito. May mangilan-ngilan ding nilalang sa dagat ng apoy na tuwang-tuwa dahil sa may nakitang nahuhulog patungo doon ang natatanaw ni Jay. “Marcus, iligtas mo ako pakiusap.” bulong ni Jay sa sarili habang naluluha dahil wala naman makakarinig sa kanya.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, habang si Jay ay lumuluha, biglang nagliwanag ang kaniyang suot na kwintas. Natigil din ang kaniyang pagbulusok sa dagat ng apoy at siya ngayon ay nakalutang na sa hangin.

Habang nagliliwanag ang kwintas na kaniyang suot ay parang may bumabalot sa kaniyang enerhiya at pinuprotektahan siya sa init. Ilang sandali rin ay biglang lumitaw sa kaniyang harapan galing sa kung saan si Marcus.

Ngumiti ito kay Jay. Ni hindi man lang ito nagulat kung bakit siya nakalutang at kung bakit hindi na siya deritsong nahulog sa dagat ng apoy sa Hades.

“Bumalik na tayo sa palasyo.” wika nito kay Jay sabay yakap.

Sa isang iglap lang ay naglaho na sila Prinsipe Marcus at Jay doon sa Hades.



Mabilis na nakabalik sa bulwagan ng palasyo sina Jay at Prinsipe Marcus. Lahat ng mga nakasaksi doon ay nagulat sa kanilang nakita. Walang sinuman kasi ang pwedeng pumunta sa Bagras na hindi masusunog o hindi pwedeng saktan ng mga nilalang na nakatira doon maliban lamang sa kanilang hari.

“Paano mo nailigtas ang nilalang na iyan doon Prinsipe Marcus?” manghang tanong ng hari sa kaniyang anak.

Hindi sumagot si Prinsipe Marcus.

“Siya ang pinili ng kwintas?” gulat na sigaw naman ng kaniyang inang reyna habang itinututro nito ang bagay na nasa loob ng kasuotan ni Jay na meron pang liwanag. Alam kasi ng reyna ang uri ng liwanag na nagmumula sa kuwintas dahil ito ay pag-aari rin niya.

Napasinghap ang mga nilalang sa loob ng bulwagan ng palasyo. Hindi naman maintindihan ni Jay kung ano ang halaga ng kanilang pinag-uusapan.

“Maaring nagkakamali lamang ang kwintas kamahalan.” sabat ni Ministro Lisandro.

“Hindi maaring magkamali ang kwintas. Ilang daang taon na ang lumipas at ang pinili ng kwintas ay ang siyang ating tinutupad.” wika ng hari. “At sa mga pagkakataong iyon ay hindi pa tayo ipinahamak ng kwintas.” pagtatapos ng hari. Sa kumpas ng kaniyang kamay ay nagsialisan ang mga naroon sa bulwagan.

Sa sunod na kumpas ng kamay ng hari ay mayroong lumapit kay Jay na mga utusan at dinala siya sa isang silid na napakarangya kumpara sa seldang pinagkulungan sa kanya. Nais man niyang kausapin si Prinsipe Marcus ngunit hindi na siya nabigyan pa ng pagkakataon.

Binihisan si Jay tulad ng sa kasuotan ng isang prinsipe kahit ayaw niya ay wala siyang nagawa. Pagkatapos makapagbihis ay nagsialisan na ang mga utusan at naiwang mag-isa si Jay sa silid na iyon.

Habang nag-iisa ay naalala ni Jay na tingnan ang kaniyang suot na orasan. Laking pagtataka niya dahil hindi ito gumagana. Naalala rin niya ang kaniyang cellphone na nasa kaniyang suot na pantalon. Kinuha niya ito at tulad ng kaniyang orasan ay hindi rin ito gumagana.

Habang iniisip ni Jay kung totoo ang lahat ng mga nagyayari sa kaniya ay saka naman pumasok si Prinsipe Marcus sa loob ng silid niya.

“Naabala ba kita sa iyong pamamahinga?” tanong ni Prinsipe Marcus sa kaniya.

“Hindi naman. Kanina pa nga kita gustong kausapin ngunit hindi ako nabigyan ng pagkakataon.” sagot naman ni Jay.

“Ano ang gusto mong sabihin sa akin?” tanong nito.

“Sabihin mo sa akin ang totoo Marcus. Nananaginip ba ako? Totoo ba talagang nasa kaharian niyo ako?” naguguluhang tanong ni Jay. Ngayon lang kasi nanumbalik ang tamang pag-iisip ni Jay dala marahil sa dami ng nangyari sa kaniya. “Ipaliwanag mo naman sa akin pakiusap. Naguguluhan na ako.” dagdag ni Jay.

“Sa maniwala ka’t hindi. Totoong nandito ka sa aming kaharian at isa akong prinsipe.” simula ni Prinsipe Marcus. “Nandito ka sa kaharian ng mga engkanto kung tawagin niyong mga tao. Pero ang totoo, kami ang tagabantay ng kalikasan at taga-bigay ng parusa sa mga nagkakasala sa kalikasan. Kami ang naatasan ni Bathala sa ganitong tungkulin.”

“Pero papaano ako napunta dito sa inyong kaharian? Ang natatandaan ko lamang ay may narinig akong ingay di kalayuan sa daan na aking tinatahak papauwi.” ani Jay.

“Tama ka. Walang sinuman sa mga tao ang pwedeng makapasok dito sa aming kaharian nang walang pahintulot galing sa amin.” sagot ni Marcus. “Pero iba ka kasi dinala ka dito ng suot mong kwintas dahil ikaw ang pinili niya.”

“Teka, teka, teka…. Kanina ko pa kasi narinig ang ganyan. Sa ina mo mismo. Ano ba ang halaga ng kwintas na ito?” tanong ni Jay.

“Ang kwintas kasi na iyan ang pumipili sa susunod na magmamay-ari sa kaniya na siya ko namang magiging kabiyak.” sagot ni Marcus.

Nagulangtang si Jay sa kaniyang narinig. “Nakita ko lang naman ito doon sa puno kung saan tayo nag-usap. Baka kasi nahulog mo ito kaya isinuot ko muna para kung magkita man tayo ay maibigay ko agad sa iyo.” sabi ni Jay sabay hubad sa kwintas at ibinigay kay Prinsipe Marcus.

“Hindi mo na kailangan pang ibigay sa akin ‘yan kasi nga ikaw na ang nagmamay-ari niyan.” sagot ni Prinsipe Marcus. “Kaya nga ako nandoon sa lagusan dahil sa nagbabakasakaling makita ko na ang susunod na nagmamay-ari niyan.”

“Papaano mo naman nasiguradong ako nga ang sunod na magmamay-ari nito?” paniniguradong tanong pa rin ni Jay.

“Bago ko gawin ang pabalik-balik na pagpunta sa lagusan kung saan mo ako nakita ay nagtungo muna ako sa orakulo upang alamin kung sino ang aking magiging katuwang upang pamunuan ang aming kaharian. Sabi niyang mula sa mga tao ang magiging katuwang ko sa pamumuno kaya simula noon ay palagi na akong nagpupunta sa lagusan upang hintayin ang iyong pagdating.” mahabang paliwanag ni Prinsipe Marcus.

“Ako? Paanong naging ako?” di pa rin makapaniwalang tanong ni Jay.

“Oo ikaw. Ikaw ang pinili ng kwintas at napatunayan na iyan ng kwintas nang hindi ka mahulog doon sa naglalagablab na dagat ng apoy sa Bagras at bigla mo nalang akong natawag papunta doon.” paliwanag uli ni Prinsipe Marcus.

“Bakit ba nakadepende kayo sa pipiliin ng kwintas?” tanong uli ni Jay.

“Mahabang panahon na ang nakakaraan nang magkasakit ang reyna na asawa ng unang hari. Kahit merong taglay na kapangyarihan ang hari ay hindi nito nagawang lunasan ang karamdaman ng reyna. Kahit sino sa kaharian ay walang makapagbigay lunas sa karamdaman ng reyna.” pagkukuwento ni Prinsipe Marcus.

Habang nakahiga ang reyna ay pinagmamasdan ito ng hari na nakaupo sa tabi ng higaan ng reyna. Hinang-hina na ang reyna. Naawa naman ang hari sa kalagayan ng kaniyang mahal na reyna kaya hindi niya naiwasang lumuha.

Isa-isang pumatak ang luha ng hari. Nang mahulog ito ay naging isa itong bato. Napansin nang hari ang kaniyang luha na naging bato kaya kinuha niya ito. Sa isang kumpas ng hari ay ginawa niyang palamuti sa kwintas ang kaniyang luha saka ito binigay sa nakaratay niyang reyna.

Nang maisuot nito ang kwintas sa reyna ay bigla itong nagliwanag. Habang nagliliwanag ang kwintas ay unti-unti namang gumagaling sa karamdaman ng reyna.

Ang luha lang pala nang hari ang siyang makapagpapagaling sa karamdaman ng reyna. Ito kasi ang sumisimbolo sa wagas na pagmamahal ng hari dito.

Simula noon ang kwintas ay naging simbolo sa luha ng mga haring nagmamahal sa kanilang reyna at ang siya’ng pumipili sa susunod na magiging katuwang ng hari upang mamuno dito sa kaharian. Alam kasi ng kwintas kung sino ang nararapat para maging katuwang ng hari.” mahabang kwento ni Prinsipe Marcus.

Habang nagkwekwento naman si Prinsipe Marcus ay tinitingnan naman ni Jay ang kwintas at nakita nga niya na kaya pala kakaiba ang hugis nito ay tulad talaga ito sa isang luha.

“Pero bakit ako ang pinili ng kwintas?” di makapaniwalang tanong ni Jay.

“Ang kwintas lamang ang makakasagot niyan.” sagot ni Prinsipe Marcus habang tinitingnan si Jay.

Napansin naman ni Jay ang pagtitig na ginawa ni Prinsipe Marcus kaya tumitig din dito si Jay. Nang magtama ang kanilang mga paningin ay hindi naiwasan ni Jay ang kakaibang mahika na tila nagtutulak sa kaniya upang halikan si Prinsipe Marcus.

Si Prinsipe Marcus ay ganoon din. Unti-unti nitong nilalapit ang kaniyang mukha kay Jay hanggang sa magtama ang kanilang mga labi. Lasap na lasap ni Jay ang sarap ng halik ni Prinsipe Marcus. Dama rin niya ang lambot ng mga labi nito.

Halos mapugto na ang hininga ni Jay bago sila maghiwalay sa paghalik.

Habang pinagmamasdan ni Jay si Prinsipe Marcus ay napansin niya ang suot nito na katulad sa estrangherong kahalikan niya sa kaniyang panaginip. Naalala rin niya na parang katulad nito ang paghalik sa estrangherong humalik sa kaniya doon sa kaniyang panaginip.

“Nahihibang na siguro ako kasi kahit sa panaginip ko ay hinahambing ko si Prinsipe Marcus sa kahalikan ko.” wika ni Jay sa isip niya.

“Hindi ka nahihibang dahil ako nga ang nasa panaginip mo.” sabi ni Prinsipe Marcus. “Huwag ka nang magtaka kasi magkarugtong na tayo simula pa nung pinili ka ng kwintas.” dagdag pa nito.



Itutuloy……………………





1 comment: