DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.
Kinabukasan ay inusisa ni Jay si Charles kung may kilala ba siyang Marcus ang pangalan at bakit hindi sinabi ng kaniyang kaibigan na may kamukha ang kuya niya na tagadoon.
“Buds, may kilala ka palang kamukha ni kuya? Bakit hindi mo naman sinabi sa akin?” tanong ni Jay kay Charles habang sila ay nagkukwentuhan sa may hardin.
“Tatanungin ba kita kung kilala ko ‘yong tao?” sagot naman ni Charles.
“Eh tagarito kaya siya at Marcus ang kaniyang pangalan.” ani Jay. “Nahulog pa nga niya ang kwintas na ito kagabi doon sa malapit sa puno kung saan kami nag-uusap eh.” dagdag pa ni Jay habang ipinapakita niya ang kwintas sa kaibigan.
“Jay, halos lahat ng mga tao rito ay magkakakilala at lumaki rin ako dito ngunit wala akong natatandaan na kamukha kamo ng nasa painting mo na Marcus ang pangalan.” paliwanag ni Charles. Napansin naman niyang hindi naman mamahalin ang kwintas na ipinakita sa kanya ng kaibigan kaya binale-wala nalang niya ito maliban lang sa kakaiba talaga ang palawit nito na umagaw ng kaniyang pansin.
“Huwag kang highblood, nagtatanong lang ako. Okay?” ani Jay habang isinusuot ang kwintas upang hindi niya ito mawala. “Bagay ba?” tanong ni Jay nang suot na ang kwintas.
“Hindi ako highblood. Nagpapaliwanag lang. Hehehehe.” natatawang sagot ni Charles. “Hindi bagay. Hahahaha. Pero buds, kakaiba talaga ang kaniyang palawit ano?” pansing tanong ni Charles.
“Oo nga, ‘yan din ang napansin ko nung una eh.” ani Jay. “Siya nga pala buds, meron bang magandang lugar dito na pwede kong gawing parang studio para sa gagawin kong painting? Kailangan ko na kasing mag-umpisa para hindi ako magahol sa oras. Remember, kasama ako sa exhibit ni Ms. Luna?” tanong ni Jay sa kaibigan.
“Meron. Puntahan nalang natin bukas. Sigurado akong matutuwa ka kasi maganda talaga ang lugar na ‘yon. Merong daan sa likod ng bahay papunta sa sinasabi kong lugar.” ani Charles.
“Weh? Di nga?” di makapaniwalang tanong ni Jay. “Puro kasi puno na ang nakikita ko sa likod at saka kagubatan yata ang sinasabi mo.” dagdag pa ni Jay.
“Oo, meron nga magandang lugar doon. Makakapagpinta ka kasi magugustuhan mo ang tanawing makikita mo.” sagot ni Charles.
Kinabukasan ay maagang nagising ang magkaibigan upang puntahan ang lugar na sinasabi ni Charles. Pagkatapos kumain ng almusal ay nagpahanda sila ng kanilang kakainin sa tanghalian saka lumakad na sila.
Si Charles ang nagdala ng kanilang pagkain at inumin saka iba pang gamit samantalang si Jay naman ay ang kaniyang gamit sa pagpipinta.
Mga isang kilometro rin ang kanilang nilakad mula sa bahay nila Charles bago nila narating ang kanilang pakay.
Namangha si Jay sa kaniyang nakita sa paligid. Napakaganda kasi ng lugar. Hindi niya lubos maisip na meron siyang makikitang ganito kagandang lugar sa isang liblib na pook.
“Wow, ang ganda. Ang linaw ng tubig na dumadaloy sa ilog saka maraming ligaw na bulaklak.” namamanghang sambit ni Jay.
“Sabi ko sa iyo di ba na maganda dito.” pagmamayabang ni Charles.
“Oo nga. Mukhang mapapabilis ang pagpipinta ko nito.” sang-ayong sagot ni Jay.
Nagsimula nang magpinta si Jay matapos maisayos ang kaniyang gagamitin. Si Charles naman ay inaliw ang sarili sa pagligo sa ilog. Na-miss kasi nito ang lugar na iyon.
Tanghali na ay nangangalahati palang si Jay sa kaniyang ipinipinta. Bago niya ipagpatuloy iyon ay nagyaya muna si Charles na sila ay kumain.
Matapos makapagtanghalian at makapagpahinga ay nagsimula na ulit na magpinta si Jay.
“Buds, umuwi ka na muna. Mapapagod ka lang sa kakahintay sa akin dito.” wika ni Jay.
“Sigurado ka?” nag-aalalang tanong ni Charles.
“Oo. Sigurado ako. Isa pa, isa lang naman ang daan pauwi ano. Hindi naman mawawala yan.” biro pang sagot ni Jay. “Mababagot ka lang dito at saka para na rin makapagpahinga ka muna.”
“O sige. Ite-text nalang kita mamaya. Dala mo naman ang cp mo.” pagsang-ayon ni Charles.
Alas-kuwatro ng hapon nang maisipang magpahinga muna ni Jay. Masarap ang simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang balat at parang nag-aanyaya sa kaniya upang maidlip nang sandali.
Bago maidlip si Jay ay inayos niya muna ang kaniyang mga gamit para hindi magkalat ito at marumihan.
Pagkatapos mailigpit ang kaniyang mga gamit ay naglatag ng sapin si Jay malapit sa lilim ng isang puno saka umidlip.
Mga kagat ng lamok ang gumising kay Jay. Madilim na ang paligid nang siya ay magising. Gamit ang kanyang cellphone ay ginawa niya itong ilaw.
“Naku, baka nag-aalala na si Mama Claire sa akin.” nawika ni Jay. Ite-text na sana niya si Charles ngunit wala naman siyang mahanap na signal.
Matapos malikom lahat ng kaniyang gamit ay nagsimula nang maglakad pauwi si Jay. Pero bago pa siya magsimulang maglakad ay may narinig siyang mga taong masayang nag-uusap.
Sinundan niya ang pinagmumulan ng tinig na kaniyang naririnig. Iba ang daan na kaniyang tinatahak ngayon nang mapansin niya ito. Kahit gabi ay may tanglaw na nagsisilbing liwanag sa kaniyang dinaraanan.
Nang malapit na siya sa pinagmumulan ng mga tinig ay nagkubli siya upang pagmasdan muna ang mga ito. Baka kasi mga rebelde ito at kung ano pa ang mangyari sa kaniya.
Nakita niya ang tatlong lalaking naliligo sa ilog. Nang mapagmasdan niya nang husto ang mga hitsura nito ay nakilala niya ang isa sa mga ito. Si Marcus.
Tatayo na sana siya upang lapitan sila Marcus ng bigla siyang hablutin ng dalawang lalaki. Malalaki ang katawan nito kumpara sa kaniya kaya kayang-kaya siya nitong igapos kung tutuusin.
“Sino ka? At anong pakay mo dito? Isa ka bang ispiya?” sunod-sunod na tanong ng isang lalaki sa kaniya.
“Ako po si Jay. Diyan po ako nakatira kina Mama Claire. Taga Manila po ako.” sagot ni Jay habang sinisino ang kausap. Nahalata naman niya na kakaiba ang kasuotan ng mga ito. Mukha kasi silang mga kawal sa mga sinaunang kaharian.
“Manila? Ngayon ko lang narinig ang kahariang ‘yan.” wika ng isa sa mga humablot sa kaniya. “Siguro espiya ka sa aming kaharian ano?” dagdag pa nito.
Nagulantang si Jay sa kaniyang narinig. Tama ba ang pinagsasasabi nito? Biro lang ba ito? Mga tanong na gumugulo sa isipan ni Jay.
“Kaharian?” takang tanong ni Jay.
“Oo nilalang. Narito ka sa kaharian ng Pulang Lupa.” ani ng isang kawal.
“Pulang Lupa? Wala pong kaharian dito kasi malapit lang naman ang bahay nila Mama Claire dito at kahit tanungin niyo pa si Marcus. Mapapatunayan niya na totoo ang sinasabi ko.” sagot ni Jay.
“Lapastangan!” galit na sigaw ng naunang humablot sa kaniya. “Wala kang galang!” dagdag sabi nito habang tinatalian ang kaniyang mga kamay ng parang isang baging ng kasama nito.
Habang kumakalas siya sa pagkakatali ay lalong humihigpit naman ito na animo ay para itong buhay kaya hindi na lamang siya nagpumiglas pa.
“Kailangan kang dalhin sa harap ng mga kamahalan upang maibigay ang nararapat na parusa sa iyong kalapastanganan sa aming prinsipe.” wika ng unang kawal.
Prinsipe? Teka, teka, teka… Prinsipe si Marcus? Itatanong na sana ito ni Jay sa dalawa ngunit hinila na siya nito papunta sa lugar na hindi niya alam.
Walang nagawa si Jay kundi ang sumunod na lamang sa dalawa kesa naman masaktan pa siya sa paghila ng mga ito.
Dumating na nga sila sa lugar na pakay ng dalawang humablot kay Jay.
Sa tanang buhay ni Jay ay ngayon lang siya nakakita ng palasyo. Oo, isang napakalaking palasyo.
Habang hila-hila siya ng dalawang kawal ay pinagtitinginan naman siya ng ibang mga naroroon. Kakaiba kasi ang kaniyang kasuotan kumpara sa kanila.
Dinala si Jay sa isang kulungan sa palasyo saka tinanggal ang tali sa kaniyang kamay. Ang kaniyang kulungan ay marumi. Baging din lang ang nagsisilbing harang dito ngunit tulad ng ginamit na tali sa kaniya kanina ay parang may-isip din ito na hindi siya pinapalabas.
Pagkatapos ay iniwan na siya ng dalawang kawal. Hindi niya alam kung saan sila nagpunta. Ni hindi nga muna siya pinakain.
Ilang sandali pa ay bumalik uli ang dalawa at tinalian uli siya nito ng baging katulad ng ginamit sa kaniya kanina.
“Pupunta tayo sa bulwagan ng palasyo upang ikaw ay litisin ng kamahalan.” wika ng isang kawal. Siguro ay nahalata nito ang katanungan sa kaniyang isipan.
Bago sila pumasok sa bulwagan ng palasyo ay kinausap muna ng dalawang kawal ang bantay na naroroon. Mayamaya lang ay bumukas na ang pintuan saka sila ay pumasok
Ilang mga hakbang lang ay tumigil na sila. Pinaluhod siya nito bago naman sumunod na nagsiluhod ang dalawang kawal na animo ay nagbibgay pugay sa kung sino man.
Sinipat ni Jay ang paligid. Napansin niya na ang lugar na kung saan sila nakaharap ay natatabingan ng mahabang tela. “Ito siguro ang upuan ng kanilang hari at reyna.” sa isip-isip ni Jay.
Nakarinig si Jay ng tunog ng trumpeta. Pagkatapos ng tunog ay biglang nahawi ang tela na tumatabing sa harap nila at nakita niya na may dalawang taong nakaupo sa trono. Ito siguro ang hari at reyna sa kahariang ito dahil sa putong na nakapatong sa kanilang mga ulo. Tulad ng mga napapanood niya sa pelikula ay kumikinang sa ginto ang mga korona ng mga ito.
“Ano ang iyong ngalan nilalang at saang kaharian ka nagmula?” tanong ng hari kay Jay.
“Ako po si Jay. Diyan po ako nakatira kina Mama Claire pero taga-Manila po ako.” sagot ni Jay.
“Manila? Ngayon ko lang narinig ang ngalan ng kahariang iyan. Sa dami ng kahariang aming nakalaban sa digmaan ay hindi ko pa narinig ang ganyang ngalan.” sagot ng hari.
Hindi na lamang sumagot si Jay dahil hindi rin maniniwala ang mga ito sa kanya kay pinili na lamang niyang manahimik.
Nang hindi sumagot si Jay ay ang mga kawal naman ang tinanong ng hari.
“Ano ang kasalanan ng nilalang na ito at bakit niyo siya gustong hatulan?” tanong ng hari.
“Mahal na Haring Erasmos, nakita po namin siyang nagmamatyag sa paliligo ng kamahalan. Saka po wala siyang galang kung tawagin ang mahal na prinsipe.” sagot ng kawal sa tanong ng hari.
“Totoo ba ito nilalang?” tanong ng hari kay Jay.
“Gusto ko lang pong kausapin si Marcus para patunayan na totoo ang aking sinasabi kamahalan.” sagot ni Jay.
Napasinghap ang mga nandoon na nagmamasid sa ginagawang paglilitis na iyon.
“Iyan po ang sinasabi namin kamahalan. Saka po baka isa siyang espiya ng kalaban nating kaharian. Tingnan niyo po ang kaniyang mga kagamitan.” sabi ng kawal.
“Dapat siyang ihulog sa Bagras, sa nagbabagang apoy na walang katapusan.” wika naman ni Reyna Odessa matapos masuri ang mga kagamitan ni Jay. “Isa siyang lapastangan at baka nga isa siyang espiya ng ating kalabang kaharian.” dagdag sabi nito.
“Mawalang galang po aking amang hari at inang reyna. Nararapat lamang po na bigyan ng pagkakataon si Jay upang makapagpaliwanag.” pagsabad ni Prinsipe Marcus sa paglilitis kay Jay. Hindi napansin ni Jay na nakarating pala ito doon.
Pero bago pa man makapagsalita uli si Prinsipe Marcus ay nagsalita na ang kaniyang amang hari.
“Hindi kita hahayaang makialam sa paglilitis na ito Marcus. Mga kawal, dalhin niyo si Prinsipe Marcus sa kaniyang silid at siguruhin niyong hindi siya makakalabas.” wika ng hari. Alam kasi nito na palaging nakikialam sa mga usapin ang prinsipe.
Walang nagawa ang prinsipe dahil sa utos ng hari.
Matapos ang mahabang paliwanagan ay napagpasyahan ng hari na dapat ngang ihulog sa Bagras si Jay.
Mula sa kinatatayuan ni Jay ay nakita niya ang nagbabagang apoy sa kailaliman. Pagkatapos ng isang kumpas ng kamay ng hari ay biglang nawala ang tinatapakan ni Jay at nahulog siya papunta sa kailaliman.
“Ahhhhhhh.” sigaw ni Jay. “Katapusan ko na ba ‘to? Sana panaginip lang ang lahat!” maluha-luhang wika ni Jay habang siya ay bumubulusok pailalim.
Itutuloy……………………
No comments:
Post a Comment