Feb 12, 2012

King's Tears Chapter 1


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



Halos mag-aalas dos na ng madaling araw ay hindi pa rin makatulog si Jay. Kailangan kasi niyang matapos ang kanyang ginagawa bago sumapit ang huling araw ng buwan na ito.

Matapos mapagmasdan ang kanyang ginagawa ay hindi niya maiwasang humikab. Halos kulang na siya nang tulog. Napagpasyahan nalang niya na magtimpla muna ng kape para siya ay mahimasmasan at hindi na siya antukin.

Lumabas siya ng kanyang studio at pumunta sa kusina para magtimpla ng kape.

Nasa bukana pa lang siya ng pinto ng kusina ng may biglang magsalita sa kanya.

“Hindi ka pa rin ba matutulog?” may medyo kalakasan ang boses na nagsalita.

“Ay, palakang may sungay ng kambing at tainga ng kuneho!” gulat na sabi niya sabay talon.

“Hahaha. Ikaw talaga Jay, di ka pa rin ba sanay sa akin?” tatawa-tawang sabi ni Charles.

“E, sino ba naman ang hindi magugulat sa iyo? Bigla-bigla ka nalang magsasalita . Saka nasa likod ka kaya hindi kita nakita?” sagot ni Jay.

“Hahaha. Teka, magtitimpla ka ba ng kape?” tanong nito. Dumiretso na ito sa lalagyan nila ng mga cup para kumuha. “Ako nalang ang magtitimpla. Bumalik ka nalang sa studio mo para matapos mo na iyang ginagawa mo at makapag-pahinga ka naman. Ginagawa mo nang araw ang gabi eh.” dagdag sabi nito habang nagtitimpla na ng kape.

Napaka-swerte talaga niya kasi meron siyang isang kaibigan na talagang sinusuportahan siya sa kanyang mga ginagawa. Hindi siya nito iniwan at binitin sa ere. Hindi tulad ng tinuring niyang pamilya na itinakwil siya.

Simula kasi ng itakwil siya ng kanyang pamilya ay nagpalaboy-laboy sa lansangan si Jay bago marating ang kinalalagyan niya ngayon.

Habang pinagmamasdan niyang nagtitimpla si Charles ay hindi niya maiwasang balikan ang nakaraan na naging dahilan upang itakwil siya ng sariling pamilya.



Third year high school na si Jay nang malaman ng kanyang mama at papa na isa siyang bakla. Maagang umalis noon nang bahay si Jay kasi meron silang group project sa Chemistry subject na gagawin nila sa bahay nila Bryan, isa sa kanilang classmates. Anim sila sa grupo, tatlong lalaki at tatlong babae.

Sa kanilang grupo, si Ann at May ang itinuturing niyang mga matatalik na kaibigan. Si Ann, simpleng ganda lang ito kung iyong pagmamasdan ngunit kahit simple lang ang ganda nito ay maraming nahuhumaling na kalalakihan dito. Sa edad nilang kinse ay marami na itong naging boyfriend. Mahilig kasi itong maglaro ng OL games,  palibhasa mayroon sariling internet cafĂ© ang pamilya nito kaya maraming nanliligaw dito sa net. Pinapatulan naman ng lukaret niyang kaibigan. Praktis lang daw sabi nito kapag pinagsasabihan niya.

Si May, isa rin sa matalik na kaibigan ni Jay. Kahit walang lahing intsik ay singkit ang mga mata nito at maputi rin. Parang lalaki kung kumilos ito kaya iyong ibang gustong manligaw dito ay nawawalan ng lakas ng loob at natatakot na baka sila ay umbagin nito. Malakas din kasi ang boses nito.

Dahil sa isang group project din sa isang subject nila noong ay first year high school pa lang sila kaya nabuo ang kanilang pagkakaibigan. Hindi lang kaibigan ang turing nilang tatlo sa isa’t isa kundi para na rin silang magkakapatid. Halos lahat ng sikreto ng bawat isa ay alam nila. Walang lihiman kumbaga.



Sabado ang napag-usapan nilang araw upang gawin ang kanilang project. Lima na lamang silang magkikita-kita sa sakayan ng jeep dahil si Bryan ay sa lugar nalang nila maghihintay dahil sa bahay naman ng mga ito gagawin ang kanilang project.

Naunang dumating ng ilang minuto si Ann kay Jay sa kanilang tagpuan.

“Oy, anong ngini-ngiti-ngiti mo dyan ha?” bungad na tanong ni Jay kay Ann nang siya ay makalapit dito. Wala pa ang iba nilang mga ka-grupo.

“Wala naman. Kinikilig lang ako kasi kasama natin sa ating grupo ang crush mong si John.” sabi ni Ann.

“Oy tumigil ka nga diyan. Mayamaya ay biglang dumating ‘yon at marinig pa ang ating pinag-uusapan ng hindi natin namamalayan.” nahihiyang tugon ni Jay.

“Asus. Nagblush ka naman diyan. Hahaha. Oi, nagblush ‘yong baklang Maria Clara. Hahaha.” tatawa-tawang sabi ni Ann.

Tumahimik nalang si Jay kasi alam naman niya ang ugali ni Ann. Makulit ito kung sila lang dalawa pero hindi siya nito ipapahamak sa iba. Kaya nga tropa sila nito.


“Anong pinagtatawanan niyong dalawa?” tanong ni Mel ng makalapit ito nang hindi napapansin ng dalawa.

“Wala lang.” tatawa-tawang sagot ni Ann habang si Jay ay walang imik.

“Meron bang ganon?” ani Mel habang nagpapacute kay Jay.

“Oo. Basta huwag ka na lang magtanong. Hehehe.” ani Ann na panay pa rin ang tawa. Pansin niya kasi ang pagpapacute ni Mel kay Jay. “Kung alam mo lang Mel na hindi ka type ng bf ko.” bulong ni Ann sa sarili.

“Anong sabi mo?” tanong ni Mel.

“Wala. Sabi ko lalo ka ‘ata gumaganda ngayon.” bola ni Ann sa kaklase. Sa totoo lang, maganda talaga si Mel. Mahaba ang buhok, matangos na ilong, pantay na mga ngipin, mapipilantik ang pilik-mata, morena saka balbon. Marami kayang nangliligaw sa kanya kaso snob siya masyado.

“Syempre, mayroon akong inspiration ngayon.” sagot ni Mel.

Napaubo si Jay sa tinuran ng kaklase. Alam niya kasi na siya ang tinutukoy nito. Si Ann naman ay natatawa sa reaksiyon ng kaibigan saka kita na naman niya ang pagpapacute ni Mel dito.

“In-love ka lang yata kay Jay eh.” tudyo ni Ann kay Mel saka pang-aalaska na rin niya sa kaibigan.

“Hindi ah.” pagdedeny pa ni Mel pero kita naman ang pagblush nito.

Si Jay naman ay iiling-iling lang. Napagtripan na naman siya ng kaibigan.



Dalawa nalang ang hinihintay nilang kagrupo, si John at May. Napagkasundaan kasi nila na hihintayin nalang sila ni Bryan sa lugar nila at sasalubungin sa may hintuan ng sasakyan upang hindi sila maligaw sa bahay ng mga ito.

Hindi nga nagtagal ay dumating din ang kanilang hinihintay. Tumigil na si Ann sa pang-aalaska kay Jay. Alam niya kasi nainis ito kaya naman ang ginawa niya ay niyakap ito na para bang magboyfriend sila nito.

“Kanina pa ba kayo dito?” tanong ni John nang ito ay makalapit sa kanila.

“Mga 15 minutes lang siguro ang ating pagitan.” sagot ni Ann sa tanong ni John.

“Tara na at nang matapos kaagad natin ang ating project at para makauwi na rin tayo ng maaga.” yaya naman ni Jay sa kanila para mahinto na rin ang usapan. Nakita rin kasi niya na mayroon nang paparating na jeep na pwede nilang masakyan papunta sa lugar nila Bryan.

Jeep nalang ang sinakyan nila para mapabilis ang kanilang lakad. Timing naman na hindi gaano karami ang nakasakay na pasahero sa jeep kaya malaya silang nakapili ng mauupuan.

Naunang umupo si Ann na hila-hila si Mel. Si May naman ay tumabi kay Mel sa kaliwang bahagi nito. Napapagitnaan ngayon si Mel kaya hindi siya makatabi kay Jay.

Umupo naman sa may likurang bahagi ng driver si Jay.

Ang sumusunod na pangyayari ang hindi inaasahan ni Jay. Sumunod pala si John sa kanya at tabi pa sila sa upuan. Biglang kinabahan si Jay. Ganyan kasi siya kapag kaharap niya ang kaniyang crush. Kaya nga hanggat maaari ay ayaw niya itong kinakausap. Mailap siya dito.

Upang hindi maging halata na naiilang si Jay ay hindi na lamang siya umimik.

Mayamaya lang ay biglang nagpreno ang jeep na kanilang sinasakyan kasi mayroon silang makakasalubong na bus. Hindi naman sila makaarangkada kasi may nauuna sa kanilang tricycle.

Dahil sa biglaang pagpreno ng jeep ay nagkadikit ang katawan ni Jay at John. Dahil dito ay bumusangot ang mukha ni Jay.

Bigla naman napatingin sa kaniya si John at kita nito ang pagbusangot ng kaniyang mukha. Nakita rin niya na parang kumikislap ang mga mata nila Ann at May. Alam niya kung ano ang iniisip ng mga ito ngayon. Aalaskahin na naman siya ng mga ito kapag sila nalang tatlo ang magkakaharap.

Napansin naman ni John na biglang nalukot ang mukha ni Jay nung lingunin niya ito. “Ayaw mo ba akong kasama sa grupo niyo Jay?” malungkot na tanong ni John.

“Ah, e hindi naman sa ganun. May naisip lang ako na nagpasama sa pakiramdam ko.” pagpapalusot na sagot nito.

“Ganun ba? Akala ko kasi ayaw mo akong kasali sa grupo niyo.” hindi pa rin kumbinsidong sagot ni John. “Kung ayaw mo talaga ay pwede ko naman kausapin si ma’am para makalipat ako ng ibang grupo. Mahirap kasi kung mayroong hindi nag-uusap sa ating grupo. Hindi tayo makakagawa ng maayos.” paliwanag nito.

“Hindi ‘no. Huwag ka ngang praning. Ano ka ba. May naisip lang talaga ako.” sabi ni Jay. At para maniwala sa kaniya si John ay kanya itong inakbayan. Ngumiti naman ito sa kanya na para bang close na sila.



Gaya ng napagkasunduan nila ay naghihintay na si Bryan sa may hintuan ng sasakyan kaya madali itong nakita ni Jay.

Nang makarating na sila sa bahay nila Bryan ay napansin nila na walang tao doon. “Wala ‘ata ‘yong mga magulang mo ‘tol ah?” punang tanong agad ni John kay Bryan.

“Wala sila mama at papa dito. Binibisita nila sila Tita Carmen doon sa bayan. Gusto nga sana ni mama na sumama ako ngayon kaso sabi ko eh gagawa tayo ng project natin sa Chemistry. Kaya ayon, hindi nila ako naisama.” ani Bryan.

“O, ‘wag na tayo magkwentuhan. Umpisahan na natin ang ating project para maaga tayong matapos at magkaroon pa tayo ng oras para makapagpahinga mamaya.” singit ni May sa usapan.

“Eto naman, atat masyado.” puna ni Ann.

“Oo nga.” sabad din ni Bryan.

“Kailangan ko kasing umuwi ng maaga kapag natapos natin ang ating project. Uuwi kasi ngayon si Papa.” paliwanag nito.

“Ako rin kailangan kong umuwi ng maaga. May inutos saken si Mama.” sabi ni Mel.

“Ang daya niyo naman.” sabad ni John. “Umpisahan na nga natin at nang makauwi na kayo.” dagdag nito.



Sinimulan nga nila agad ang paggawa ng kanilang project. Habang sila ay gumagawa ng kanilang project ay panay ang kanilang harutan hanggang sa hindi nila namamalayan na malapit na rin silang matapos sa kanilang ginagawa.

“Sandali lang. Kayo muna diyan. Magsasaing lang ako saka iinitin ko na rin ang iniwang lutong ulam nila mama.” sabi ni Bryan.

“Sige kami na muna dito.” ani Mel. “Tutal malapit na naman kasing matapos ito.” dagdag nito.

“Baka kailangan mo ng tulong?” sabad naman ni Jay. Gusto rin kasi niyang umiwas kina John at Mel. Naiilang pa rin kasi siyang kasama ang dalawa. Ewan ba niya basta ganun ang pakiramdam niya.

“Oo ba.” sagot agad ni Bryan.

“Ako rin tutulong.” ani Ann.
“Sige, wala ka rin namang ginagawa diyan.” pang-aalaska ni Jay sa kaibigan.

Pumunta na nga sila sa kusina at sinimulan ang pagluluto ng kanilang tanghalian. Pagkatapos makapagluto ay bumalik sila sa paggawa ng kanilang project.



Malapit nang magtanghalian nang matapos nila ang kanilang ginagawa. Ayaw sanang payagan ni Bryan na umuwi agad sila May at Mel kaso kailangan talagang umuwi ng mga ito. Kaya apat nalang silang nagtanghalian.

Matapos mailigpit ang kanilang pinagkainan ay sinimulan rin nilang iligpit ang kanilang mga ginamit sa paggawa ng kanilang project.

Nang matapos na sila sa kanilang gawain ay nagyayang manood ng pelikula si John. Kaya ‘yon, nanood na nga sila.



Alas-tres ng hapon ng mapagpasyahan nila Jay, John at Ann na umuwi na. Pare-parehas lang naman ang destinasyon na kanilang pupuntahan.

Inihatid sila ni Bryan sa sakayan ng jeep. Hindi nagtagal ay may dumating na jeep kaya naman nakasakay agad ang tatlo at hindi nagtagal sa paghihintay ng masasakyan.

Dalawampung minuto lang at nakarating na sila sa sakayan ng tricycle para sa kani-kanilang pag-uwi. Naunang nakababa ng jeep si John habang hinihintay din niya na makababa iyong dalawang kasama.

Pababa na ng jeep si Jay ng matalisod siya at mawalan ng balanse. Aalalayan sana siya ni John para mabawi niya ang kanyang balanse ngunit imbes na makatulong ay nasama pa ito sa pagkabagsak.

Sa pagkabagsak nilang iyon ay napailalim si John habang nakapatong si Jay sa kanya. Hindi rin nila naiwasang magtama ang kanilang mga labi dahil sa aksidenting iyon.

Biglang tumigil ang oras ni Jay sa pagkakataong iyon....




Itutuloy……..




No comments:

Post a Comment