DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.
“Ay palaka!” gulat na sigaw ni Jay.
“Hahaha” tatawa-tawa si Charles habang pinagmamasdan si Jay na nahulog sa kama.
“Aray ko po!” daing ni Jay habang hinihimas ang nasaktang katawan. “Tinatawanan mo pa ako? Nahulog na nga ‘yong tao e pinagtatawanan mo pa.” reklamo ni Jay sa kaibigan.
“Sino ba naman ang hindi matatawa sa ‘yo?” sabi ni Charles habang nakangisi. “Pangusu-nguso ka pa na parang may hinahalikan. Hahahaha.” dagdag pang-aasar nito.
Namula naman si Jay. Sino ba naman ang hindi mahihiya na nahuling nakanguso habang natutulog na parang may kahalikan. Kung hindi nga lang niya ito bestfriend ay nasigawan na niya ito.
“Bakit ka ba kasi pumasok dito?” inis na tanong ni Jay sa kaibigan upang ilihis ang usapan at hindi na siya tanungin nito sa kaniyang napanaginipan.
“Bakit? Sabi mo kaya kagabi na gisingin kita para sabay na tayong mag-almusal kasi nga tinatamad kang kumain na mag-isa di ba?” balik tanong sa kanya nito.
“Oo nga. Hehehehe. Pero ang aga naman.” reklamo ni Jay.
“May pasok po ako ngayon. Baka ma-late pa ako kung mamaya pa kita gigisingin. Bumalik ka nalang sa pagtulog mo mamaya.” sabi ni Charles bago ito lumabas.
Tinatamad pa ring bumangon si Jay kaya nahiga muna siya. Mayamaya pa ay bumalik uli si Charles at nakita siya na hindi pa rin bumabangon bagkus ay umayos pa sa pagkakahiga. Alam na alam kasi ni Charles hindi na naman ito babangon kung hindi ito pipiliting tumayo sa pagkakahiga.
“Tumayo ka na diyan at lalamig ang pagkain.” sabi ni Charles sabay hila sa kaibigan. Hindi na nawala ang ugaling iyon ng kaibigan niyang ‘yon. Matagal kasi itong bumangon kapag umaga.
Walang nagawa si Jay kundi ang bumangon na rin. Kukulitin kasi siya ng kaibigan niya lalo pa at siya ang nakiusap dito na sabay silang mag-aalmusal.
Bago humarap sa hapag ay naghilamos muna si Jay saka nagsipilyo.
“Sarap mo talaga magluto buds. Walang kupas.” puri ni Jay sa kaibigan habang nilalantakan ang adobong baboy na niluto ni Charles.
“Asus, nambola ka pa. Kumain ka nga diyan ng kanin o. Puro ulam lang kinakain mo kaya di ka nagkakaroon ng laman eh.” wika ni Charles.
Ganyan kahalaga si Jay para kay Charles. Para na kasi niya itong kapatid. Kaya sa abot ng makakaya niya ay tinutulungan niya ito sa halos lahat ng pagkakataon.
“Jay, pwede na pala tayong lumipat dun sa townhouse na nabili natin. Last day ngayon nang pag-aayos sa lahat ng mga dapat ayusin doon.” pag-iiba ni Charles sa usapan. “Kailangan nalang natin bumili mga muwebles. Iyong iba dito ay dadalhin na rin natin.” dagdag nito.
“Sige. Pagkatapos nalang ng exhibit ko tayo lumipat dun para makatulong naman ako sa paglilipat.” sagot ni Jay.
Matapos kumain ay agad umalis si Charles papuntang opisina para asikasuhin ang mga nakabinbin na trabaho dahil sa kaniyang pag-leave. Si Jay naman ang nag-imis ng kanilang pinag-kainan.
Pagkatapos maghugas ay pumunta na si Jay sa kaniyang studio para makapag-umpisa na sa kaniyang pagpipinta.
Araw-araw ay ibinuhos ni Jay ang kaniyang oras para matapos lang niya ang pagpipinta sa natitira pang larawang kailangan niyang i-display sa exhibit.
Tatlong araw bago ganapin ang exhibit ay niyaya ni Charles si Jay na mag-inuman upang mag-celebrate tutal halos handa na nag lahat para sa gaganapin.
Pagkatapos kumain ay bumili ng redhorse si Charles. Meron na silang pulutan na nabili pa niya kani-kanina lang nung siya ay pauwi na.
“Sana maraming dumalo sa exhibit ko.” wika ni Jay habang sila ay nag-iinuman ni Charles sa may balkonahe.
“Huwag kang mag-alala. Marami ang dadalo diyan. Sigurado ako.” matatag na wika ni Charles para mapanatag ang kalooban ng kaibigan.
“Weh? Bolero ka talaga. Hahahaha.” natatawang sabi ni Jay.
“Totoo naman ‘yon eh. Marami ang pupunta. Kung walang pumunta, ako nalang ang bibili ng mga paintings mo. Isang-daan lang bawat isa.” biro ni Charles.
“Sira! Isang-daan ka diyan! Pinaghirapan ko? One hundred lang ang worth?” dramang sagot ni Jay.
“Joke lang ‘yon. Huwag ka mag-alala. Marami ang pupunta dun.” seryosong sagot ni Charles.
Mayamaya ay naging seryoso si Charles.
“Buds, meron pa palang painting dun sa loob ng studio mo. Hindi mo ba ‘yon dadalhin sa gallery?” pag-iiba ni Charles sa usapan.
“Saka ko na ‘yon dadalhin dun.” wika ni Jay. “Hindi ko pa kasi ito natatapos pero konting touches nalang at matatapos na rin ‘yon.” dagdag pa ni Jay.
Ipinagpatuloy pa ng magkaibigan ang kanilang inuman hanggang sa kaya ng kanilang katawan.
Ngunit naubos na lahat ang beer ay parang hindi tinamaan ang magkaibigan. Napagpasyahan nalang nilang matulog na.
Bago matulog ay pinagtulungan muna nilang linisin ang kanilang pinag-inuman.
Naunang pumasok sa kwarto niya si Jay. Si Charles naman ay na-curious sa painting na nasa studio kaya naisipan niyang pumasok dun at tiningnan ito. Hindi kasi ito pinapakita sa kaniya ni Jay. Sa lahat ng paintings na ginawa nito ay ‘yon ang bukod-tanging painting na hindi pa niya nakikita.
Pagkapasok niya sa loob ng studio ay nakita niyang natatakpan ng puting tela ang naturang painting. Lumapit siya dito saka dahan-dahang inalis ang takip nito.
Mukha ng isang maamong lalaki ang kaniyang nakita dito. Siguro nasa 22 – 25 ang edad nito. May makakapal na kilay, mapupula at maninipis na labi. Ang mata ay kulay bughaw na pkung titingnan mo ay parang nangungusap.
“Sino kaya siya?” tanong ni Charles sa kaniyang sarili habang papalabas ng studio.
“Kilala ko ba siya o nakita ko na ba siya sa personal? Kasi parang buhay ‘yong pagkakaguhit ni Jay sa kaniya at parang narito lang ang modelong ito habang ginuguhit ito.” tanong muli ni Charles sa sarili.
Pagkatapos mapagmasdan ang larawan ay ibinalik na ni Charles ang takip nito. “Malalaman ko rin kung sino ka balang araw.” ani Charles sa sarili.
Dumating ang araw ng exhibit ni Jay. Tulad ng inaasahan ni Charles ay marami ang nagsidalo dito.
“Ma, buti naman po at nakarating kayo dito. Kelan po kayo dumating? Hindi man lang kayo nagpasabi sana pumunta ako sa bahay at doon muna ako natulog.” bati ni Jay sa mama niya sabay halik sa pisngi at yakap dito. “Si Kuya Gino po, makakapunta po ba?” tanong ni Jay sa mama niya. Ito ang umampon at nagpa-aral sa kaniya.
“Palalampasin ko ba naman ang pagkakataong ito? Dalawang araw na kaming narito ng kuya mo. Hindi ka lang namin inistorbo kasi alam naming marami ka pang kailangang gawin para dito. Sinabihan ko rin ang mga kasambahay sa atin upang kung magtanong ka ay hindi mabulilyaso ang sorpresa namin.” mahabang paliwanag ng mama niya. “Ang kuya mo nandun pa sa labas kasama niya ang Ate Louise mo. Inaayos lang ‘yong pag-park ng sasakyan.” dagdag nito.
Nakita nga niya na papasok ang Kuya Gino niya kasama ang asawa nito. “Kuya, buti po at nakauwi kayo at nakapunta dito.” sabi niya saka yumakap sa kinikilalang kapatid.
“Palalampasin ko ba naman ang pagkakataong ito? Aba, baka mahal na ang talent fee mo sa susunod e hindi na kami makasingit sa oras mo.” biro ng kuya niya.
Kahit hindi niya ito nakasama nang madalas ay naging mabait ito sa kaniya at tinuring siyang parang tunay na kapatid. Kabiruan din niya ito kaya hindi naging mahirap ang buhay niya sa piling ng mga ito.
“Kumusta po Ate Louise?” bati naman ni Jay sa asawa ng kaniyang kuya sabay yakap at halik dito.
“Okay naman. Mukhang gumagwapo ang bunso namin ah?” biro nito sa kaniya.
“Nambola pa si ate.” natatawang sagot ni Jay. “Ito na nga’t may malaking eyebags ako, guwapo pa rin?” sabi pa niya.
“Guwapo ka naman talaga.” sabi naman ng mama niya.
Matapos makumusta ang kaniyang tinuturing na pamilya ay inistema naman ni Jay ang iba pang bisitang naunang dumalo at tumitingin sa mga naka-exhibit na paintings.
Mayamaya pa ay dumating na rin ang ibang panauhin kasama na dito ang mama ni Charles.
“Mama, akala ko hindi kayo makakarating! Hindi man lang kayo nagpasundo kay Charles.” masayang salubong ni Jay sa mama ni Charles.
“Gusto ko kayong sorpresahin e. Kaya sa hotel nalang ako dumeritso at natulog kagabi. Alam ko naman ang lugar na ito kaya hindi ko na kayo ginampala pa.” mahabang turan nito.
Hindi pa natatapos ang hapon ay dumating ang hindi inaasang bisita ni Jay. Si Ms. Luna Mystica. Binati nito si Jay sa husay niya sa pagguhit.
“Hindi nga ako nagkamali na piliin ko na maging isa ka sa mga lalahok sa darating kong exhibit. Napakaganda ng iyong pagkakalikha sa iyong mga obra.” papuri ni Ms. Luna kay Jay.
“Salamat po sa inyong papuri. Utang ko po sa inyo kung anong meron ako ngayon. Kung hindi niyo po ako naturuan ng tama ay hindi ko magagawa ang mga obrang nakadisplay ngayon.” sagot ni Jay.
Naging matagumpay ang unang exhibit ni Jay. Sinuportahan siya ng mga kamag-anak at maging kaibigan. Hindi lang iyon marami ring kilalang tao sa lipunan ang dumalo at bumili sa kaniyang mga paintings.
Lahat ng painting niya ay binili na ang pinakamababang halaga ay nasa fifty thousand. Sa lahat ng paintings, isang painting doon ang hindi niya ipinagbili. Ang larawang nakita ni Charles matapos silang mag-inuman.
Pagkatapos ng exhibit ay nagyaya ng munting salo-salo ang mama ni Jay na gaganapin sa bahay nila. Kasama ang mama ni Charles at ibang piling bisita ay nagsipunta ang mga ito sa bahay ng mga Saavedra.
Napagplanuhan na pala ng mama ni Jay ang lahat katulong ang kuya niya kaya pagdating nila doon ay nakahanda na ang lahat ng mga pagkain at inumin.
“May I have your attention please.” ani Mrs. Saaverda para makuha ang attention ng mga tao sa pagtitipong iyon.
“Thank you!” sabi nito matapos ng konting katahimikan. “First of all, I would like to congratulate my son, Jay Saavedra, for the success of his exhibit that’s why I organize this party to celebrate.” papuri nito para sa itinuturing na anak. Nagpalakpakan naman ang mga bisita.
“Second, to thank you all for supporting my son to make his exhibit a success.” dagdag ng ginang.
“And last but not the least, this calls for a family get together party since nandito rin ang isa kong anak na kuya ni Jay. Si Gino.” sabi pa nito.
Palakpakan uli ang mga bisita.
Pagkatapos magsalita ng ginang ay nagsimula na ang kasiyahan sa pagtitipong iyon. Bumaha ng alak at pagkain sa nasabing party. Hindi aakalain ni Jay na hindi pala munting salo-salo ang gaganapin sa kanilang bahay kundi isang engrandeng pagtitipon kasi meron pang ibang bisitang nagsidalo bukod sa mga inimbita niya dun sa exhibit.
Gabi na nang matapos ang pagtitipong iyon. Ito na ang pinakamasayang araw para kay Jay. Salamat sa mga mapagmahal na taong kaniyang nakilala na walang sawang sumusuporta sa kaniya.
Itutuloy……………………
No comments:
Post a Comment