DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.
“Anong ginagawa niyang tarantadong ‘yan dito?” galit na sigaw ni Kuya Mark.
Dahil sa lakas ng pagbalibag sa pinto ay nagulat ang dalawang natutulog. Agad silang napabalikwas sa kanilang pagkakahiga. Hindi nai-lock ni Jay ang pinto kagabi dala ng pagod at antok kaya nabuksan ito ng Kuya Mark niya.
Susugurin na sana ni Mark ang katabi sa pagtulog ni Jay ng biglang tumakbo papalapit si Jay sabay yakap sa kaniya.
“Waaah, kuya dumating ka na pala. Hindi ko alam. Ngayon ka lang ba dumating o kagabi pa?” malambing na pagtatanong ni Jay sa kapatid. “Nasaan ‘yong pasalubong ko?” dagdag pa nito.
Dahil sa paglalambing ng kapatid ay parang biglang nabuhusan ng malamig na tubig ang nanggagalaiting si Mark. “Kahapon pa ako dumating. Hindi nga lang kita naabutan dito kasi maaga ng isang oras ‘yong alis mo.” sabi ni Mark. Sobrang mahal kasi niya ang kapatid niya kaya biglang nawala ang galit niya sa nakita.
Si Jay naman nakalimutan na naka-brief lang pala siya noon dahil sa kasabikan sa pagkikita nila ng kanyang kuya. Nakayakap pa rin siya dito na parang wala nang bukas.
Si Mark naman ay matamang pinagmamasdan ang suot ng kapatid pati na rin ang katabi sa pagtulog nito. “Sana walang nangyaring kakaiba sa kapatid niya at sa kaklase nito.”sa isip ni Mark. Hindi niya kasi mapapatawad ang sinumang mananakit sa mahal niyang bunso.
Muli nagsalita si Mark. “Magbihis nga muna kayo at nang makapag-almusal na tayo.” sabi ni Mark sa kapatid at kay John sa malamig nang boses. “May nangyari na ba sa inyo bunso?” bulong pa nitong sabi sa kapatid bago lumabas at tinungo ang kusina. Dahil dito ay namula ang pisngi ni Jay.
Alam ni Mark na parang nagkakagusto sa mga lalake ang kapatid niya ngunit hindi niya alam na magdadala ito ng lalake sa bahay nila. “Baka mali lang ang iniisip ko.” kontra ng isang bahagi ng utak ni Mark.
Kahit ano pa ang kapatid niya ay mahal niya ito at ayaw niyang may umaapi dito.
Nakabawi naman na sa pagkabigla si John. Buti nalang at hindi natuloy ang pagsugod sana ng kapatid ni Jay sa kanya. “Jay, galit yata ang kuya mo na dito ako natulog.” wika niya.
“Ano ka ba hindi ‘yon ano. Love kaya ako ng kuya ko kaya maniniwala ‘yon sa sasabihin ko. Saka ako ang bahala sa iyo.” sabi ni Jay sabay tawa.
“Ikaw ang bahala, ako ang kawawa.” sabi naman ni John. ‘Baka sa suot natin kaya siya nagalit bigla.” dugtong ni John na nakangisi.
“Hahaha. Puro ka talaga kalokohan. Tara na nga at nang makapag-almusal tayo bago ka umuwi.” yaya ni Jay kay John.
Pumunta na sila sa kusina. Nahihiya pa itong si John sa kuya ni Jay kaya hindi muna siya pumasok doon. Nahalata naman ito ni Jay kaya hinila niya ito.
“Kuya pasensiya pala at hindi ako nakapag-paalam kagabi na meron makikitulog dito sa atin. Hindi ko na ginising sila mama at papa kasi alam ko namang pagod sila sa trabaho at saka gabi na kami dumating dito.” paliwanag ni Jay sa kuya niya habang sila ay nag-aamusal na.
“Ah ganun ba?” sagot ng kuya niya. “Bakit wala pala kayong suot na damit, tapos magkayakap pa kayo?” tanong nito.
“Mainit po kasi kagabi kaya naghubad na kami ng damit, saka parehas naman kami lalake eh. At alam mo naman kuya na malikot ako sa pagtulog at kailangan meron akong yakap na unan. Nakalimutan ko lang na may katabi ako kaya ganun ‘yong nakita mo.” mahabang paliwanag ni Jay.
“Wala po talaga nangyari kuya. Kung anuman po ang iniisip niyo ay hindi po mangyayari ‘yon. Saka ako rin, hindi ako makatulog na walang unan na niyayakap.” sabat naman ni John.
“Ganoon ba?” ang parang hindi naniniwalang tanong ni Mark .
“Ganoon na nga po. Nasaan nga pala sila mama kuya?” pag-iiba ni Jay sa usapan. “Kanina ko pa kasi napansin na wala sila dito saka hindi man lang nila narinig ‘yong sigaw mo at ingay ng pagbalibag ng pinto sa kwarto ko.” sabi ni Jay.
“Maaga pa silang umalis ni papa. Pupuntahan daw nila sila Auntie Marge para dalawin saka diretso na sila sa city para bumili ng mga kailangan natin dito.” paliwanag ni Mark. “Oi, John kain ka lang, ‘wag ka na mahiya.” sabi naman nito kay John.
“Opo kuya.” nahihiyang sagot naman ni John.
Pagkatapos mag-almusal ay nagpaalam na rin si John na uuwi na. Hinatid ito ni Jay sa kanilang tarangkahan. Nang makaailis na ito at mawala na sa kanyang tingin ay pumasok na siya sa bahay nila.
Naabutan niyang nakaupo sa sala ang Kuya Mark niya na para bang hinihintay siya nito at sinasabing hindi pa tapos ang mga paliwanagan nila.
Lumapit siya dito saka umupo sa tabi nito sabay yakap. “Jay, naghihintay ako sa paliwanag mo.” wika nito.
“Alam kong alam mo na crush ko ‘yong taong ‘yon kuya, pero wala talagang nangyari sa amin kagabi. Kaibigan lang ‘yong turing noon sa akin.” sabi niya.
“Pinaalalahanan lang kita. Ayaw kong masaktan ka, bata ka pa. Saka alam mo naman na maraming nagkakagusto doon, baka mapaaway ka pa. Tandaan mong wala ako dito palagi para protektahan ka.” sabi ng kuya niya.
Dahil sa sinabi nito ay yumakap ng mahigpit si Jay sa kanyang kuya. “Alam ko naman ‘yon eh, kaya nga po love na love kita kuya.” sabi ni Jay.
“Asus, marunong na palang mambola itong bunso ko.” sabi ng Kuya Mark niya.
Dahil sa sinabi nito ay nagtawanan sila.
Hindi napansin ni Jay na may sumilay na ngiti sa kanyang labi kaya napansin ito ni Charles.
“Hoy, anong iniisip mo?” sigaw nitong tanong sa kanya.
“Ay, isdang tangang pumasok sa lata.” sabi ni Jay.
Inabot nito ang tinimplang kape na para kay Jay. “Hahaha. Ikaw talaga buds, pati ba naman sardinas hindi nakakaligtas sa ‘yo.” tatawa-tawang sabi ni Charles. “Saka hindi ka pa rin ba sanay sa akin? Palagi ka kasing nagugulat.” dagdag nito habang humihigop ng kape.
“Sino ba ang hindi magugulat sa ‘yo? Bigla ka nalang magsasalita.” sabi ni Jay.
“Kanina pa kaya ako nagsasalita. Ikaw lang itong hindi nakikinig.” sagot ni Charles. “Ano ba kasi ang iniisip mo at pangiti-ngiti ka pa diyan? Siguro pinagpapantasyahan mo na naman ako ano diyan sa iniisip mo? Bakit hindi mo pa kasi sabihin sa akin ng deretso, okay lang naman sa akin.” pang-aalaska nito kay Jay.
“Naaalala ko lang kasi si Kuya. Ang pagiging malambing niya at kung paano niya ako protektahan.” paglilihis niya ng usapan saka biglang nalungkot ang mukha niya.
“Kung iniisip mo na naman na ikaw ang may kasalanan sa pagkamatay niya ay huwag. Hindi ba ayaw na ayaw noon na umiiyak ka?” sabi nito ng mahalata ang biglang paglungkot ng mukha niya.
“Kung hindi sana ako……..” ang hindi na naituloy sabihin ni Jay dahil napahagulgol na siya.
“Shhhh. Tahan na. Hindi mo kasalanan ang pagkamatay ni Kuya Mark.” ani Charles sabay yakap sa kanya. “Ang nangyari na ay nangyari na at hindi mo na dapat balikan pa. May rason kung bakit nangyari ang ganoon.” dagdag nito.
Humihikbi pa rin si Jay habang yakap-yakap ni Charles. Hindi niya kasi maalis sa isip niya na siya ang dahilan kung bakit namatay ito.
Dahil nga sa naging magkakabarkada na sila Jay, John, Mel, Bryan, Ann at May ay naging open na sila sa isa’t isa na halos lahat ng sekreto nila ay alam ng bawat isa. Ang lihim lang ni Jay ang bukod tanging hindi alam ng iba niyang kabarkada maliban kay Ann at May.
“Jay hindi mo ba napapansin ang pagiging sweet ni John sa ‘yo?” tanong ni Ann isang araw habang sila ay naglalakad papunta sa canteen ng school para mag-snacks.
“Sweet lang ‘yong tao. Saka kaibigan lang ‘yong turing noon sa ‘kin.” sagot naman ni Jay.
“Sweet? Kaibigan? Nagpapatawa ka ba? O manhid ka lang Jay?” sunod-sunod na tanong ni Ann. Kung pagbabasehan ang mga kinikilos kasi ni John ay halata naman na may gusto ito kay Jay. Si Jay din naman ay obvious din ang ka-sweetan na pinapakita kay John tuwing magkasama sila. “Ano ang tawag doon sa paghahatid-sundo sa ‘yo?” dagdag tanong uli ni Ann.
“Wala lang ‘yon. Ganoon lang kami. Magbest-friends kumbaga.” sabi ni Jay. Pero sa isip ni Jay ano nga ba? Halata naman kasi ang pagiging sweet nila sa isa’t isa kahit nga mga kaklase nila ay nakakalata na rin pero wala lang nagsasabi sa kanila. “Hindi ko papatulan si John noh kung saka-sakali man.” sabi pa niya para matahimik nalang si Ann.
Samantala, nakita ni John sila Jay at Ann papunta sa canteen. Balak sana niyang gulatin sila pero hindi niya ginawa kasi narinig niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito. Narinig niya lahat mula sa simula ang pinag-uusapan ng dalawa kaya narinig niya rin ang kahuli-hulihang salita na ayaw niyang marinig. Iyon ay ang hindi siya papatulan ni Jay.
Masakit para kay John na malaman na hindi siya papatulan ni Jay. Mahal niya ito pero wala pala siyang pag-asa dito. Kaya imbes na ituloy niya ang binabalak na panliligaw ay hindi na niya gagawin. Mas gugustuhin nalang niya na sila ay magkaibigan at makasama ito kaysa naman sa ligawan niya ito at hindi na siya nito kakausapin.
Habang dumadaan ang mga araw ay hindi nagbago ang pakikitungo ni John kay Jay. Pero natutunan na rin niyang pakawalan ang nararamdaman kay Jay.
Malapit nang matapos ang taong ‘yon at matatapos na sila ng third year. Buwan ng Pebrero.
“Excited na ako sa darating na Prom.” masayang wika ni Ann habang silang lima ay nanananghalian sa canteen. “Ikaw ang kapares ko Jay ha?” wika nito kay Jay.
“Si Bryan naman ang kapares ko.” wika naman ni May. “Kapag tumanggi siya, hindi ko na siya liligawan.” biro nito.
“Ah ganoon ha? Masaya ka.” balik biro nito. Ganyan palagi ang biruan ng magboyfriend na ‘yan. Matagal na ang kanilang relasyon at walang tumutol sa kanilang magkababarkada.
“O, bakit ang tahimik mo naman diyan John?” punang tanong dito ni Ann.
“Wala. Iniisip ko lang na si Mel pala ang makakapares ko.” sabi nito.
“Ano naman ang problema mo kung ako ang pares mo?” maktol ni Mel. “Maganda naman ako ah.” dagdag nito.
Nagkatawanan ang magbabarkada sa inasal ng kanilang kaibigan.
Dumating ang araw ng kanilang JS prom. Ito ay gaganapin sa isang hotel sa lungsod. Doon na rin sila magsisitulog kasi kasama na sa package na nakuha ng organizer ng prom ang accommodation para hindi na rin mahirapan umuwi ang mga studyante lalo’t gabi gaganapin ang prom.
Karamihan sa mga dadalo sa prom ay nagpasadya pa talaga ng kanilang isusuot upang magmukha silang guwapo at magaganda.
Naunang dumating si Ann sa reception ng prom. Napakaganda niya sa suot na damit kaya nga pinagtitinginan siya ng ibang naroroon.
“Napakaswerte naman ng kasama niyan. Napakaganda niya.” wika ng isang estudyante doon.
Nasa bukana siya ng hotel at hinihintay ang pagdating ni Jay nang makita niya si John. Kahit hindi naman gaanong magara ang suot ni John ay lutang na lutang pa rin ang kaguwapuhan nito kumpara sa ibang kalalakihan doon.
“Kanina ka pa ba dito Ann?” bungad na tanong ni John kay Ann.
“Mga ilang minuto lang akong nauna sa ‘yo.” sabi nito. “Hinihintay ko lang ang pagdating ni Jay.” dagdag tugon niya.
“Anong oras daw ba darating ‘yon?” tanong ni John.
“Dapat nga nandito na ‘yon eh. Kanina ko pa nga tinatawagan sa cellphone niya eh hindi naman sinasagot.” sabi ni Ann.
“Dapat pala dumaan muna ako sa kanila bago ako pumunta dito.” sagot ni John.
Mayamaya ay dumating na rin sila May at Bryan. “O, bakit nandito pa kayo sa labas?” tanong ni Bryan.
Magaling din magdala ng damit itong si Bryan kaya nga ‘yong ibang mga babae ay hindi rin maiwasan na tingnan siya. Si May naman ay lumutang ang ganda sa suot niyang simpleng gown.
“Hinihintay naming ang pagdating ni Jay. Wala pa kasi dito.” sagot ni John.
Mayamaya ay dumating na rin ang kanilang hinihintay. “Kanina pa ba kayo?” sabi nito sa kanila.
“Kanina pa po kami dito. Bakit ba ang tagal mo dumating?” sagot at tanong ni Ann.
“Dumating kasi si kuya kani-kanina lang kaya natagalan kami ng pag-uusap. Alam niyo naman na medyo matagal-tagal din nakakauwi dahil sa bago palang siya sa trabaho niya.” sagot ni Jay.
“Si Mel dumating na ba?” tanong ni Jay. Napansin kasi niya na si Mel nalang ang kulang sa kanila.
“Wala pa. Pero nagtext siya sa akin na mauna nalang daw tayo sa loob dahil mahuhuli siya ng dating.” sabat ni May.
“O, siya pumasok na tayo at nang makaupo na. Nangangawit na ako dito kanina pa.” wika ni Ann.
Pumasok na nga sila sa loob. Habang papasok sila ay inakbayan ni John si Jay saka bumulong.
“May sasabihin ako sa ‘yo mamaya.” wika nito.
Biglang nasabik at natuwa si Jay sa sinabing iyon ni John. “Ano ang sasabihin mo mamaya?” pangungulit ni Jay. Gusto niya sabihin na nito ngayon kung anuman ang gusto nitong sabihin.
“Mamaya na.” sabi nito sabay tawa.
Itutuloy……………………
No comments:
Post a Comment