DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.
“Mahal kita. Mahal na mahal.” sabi nito.
“Paano mo nasabing mahal mo ako? Hindi mo pa nga ako nakikita.” sagot ni Jay.
“Basta mahal kita.” sagot ng estranghero. Nakatalikod pa rin ito kay Jay. “At sinong nagsabing hindi pa kita nakita? Nakita na kita, matagal na panahon na. Ako lang ang hindi mo napapansin.” dagdag sabi nito.
“Anong ibig mong sabihin?” takang tanong ni Jay.
“Jay, gising na. Maaga ang alis natin papunta sa amin ngayon, remember?” panggigising ni Charles sa kaibigan. “Baka maabutan tayo ng traffic at hindi tayo umabot sa flight natin. Mas mabuti na iyong maaga tayo.”dagdag nito.
“Panaginip lang pala.” bulong ni Jay sa sarili.
“Anong sabi mo?” tanong ni Charles.
“Wala. Sabi ko istorbo ka sa tulog ko.” biro ni Jay sa kaibigan. Bumangon na siya saka dumiretso sa CR para makaligo na. Ni hindi nga niya naintindihan ang pinagsasabi sa kanya ng kaibigan. Basta ang alam lang niya ay kailangan na niyang bumangon.
Si Charles naman ay tapos nang makaligo kaya nagbihis na lamang siya. Paglabas ng CR ni Jay ay tapos nang makapagbihis si Charles. Pati ang mga dadalhin nilang bag ay nakahanda na rin.
Mabilisan ang naging pagkilos ni Jay sa pagbibihis.
Pagkatapos makapagbihis ay umalis na kaagad sila papunta ng airport. Nag-taxi na lamang sila papunta doon. Doon na rin sila kumain sa airport para hindi na sila maabala sa pagliligpit ng kanilang pinagkainan total eh maaga pa sila ng tatlong oras bago ang kanilang flight.
Habang kumakain sila ay tinanong ni Jay kung napatawag na ba ang mama ni Charles.
“Tumawag na ba si Mama Claire?” tanong ni Jay kay Charles. Nauna na kasi itong umuwi tatlong araw ang nakakaraan kaya silang dalawa na lang ang umalis ngayon. Merong importanteng aasikasuhin kasi ang mama ni Charles na hindi pwedeng ipagpabukas kaya ito umuwi agad.
“Oo. Kahapon pa. Hindi ko lang nabanggit sa ‘yo. Konting problema lang naman daw at naayos naman niya agad.” sagot ni Charles.
“Buti naman kung ganoon. Hinihintay na tayo siguro noon.” ani Jay.
“Malamang. At baka nga nagpahanda na ‘yon ng ating pagkain sa hapunan.” ani Charles.
“Hapunan? Ang aga naman nun. Anong oras natin kakainin ‘yon? Alas dos ng hapon?” sunod-sunod na wika ni Jay.
“Ganun talaga si mama kapag uuwi ako. Maaga pa lang ay magpapahanda na siya ng pagkain dahil saktong hapunan tayo darating dun sa amin at alam ni mama ‘yon. Tantiyado ko na rin kasi ang oras ng biyahe papunta dun.” sagot ni Charles.
“Ganun ba ‘yon?” ang nawika nalang ni Jay.
Pagkatapos kumain ay saka pa lamang sila nagcheck-in. Pagkatapos nilang magcheck-in ay pumunta na sila sa departure area upang doon nalang hintayin ang oras ng kanilang flight.
Habang sila ay naghihintay, naalalang itanong ni Charles kay Jay kung sino ang nasa lawaran na kaniyang nakita. Hindi na lamang niya sinabi na tiningnan niya ito bago pa man ito dalhin sa exhibit.
“Jay, sino ba ‘yong lalaking nasa larawan? Iyong hindi mo ipinagbili sa exhibit kahit marami ang gustong bumili nun?” tanong ni Charles.
“Ah, ‘yon ba? Wala ‘yon. Gawa-gawa ko lang ‘yon. Hindi ko naman aakalain na marami ang magkakagustong bumili nun.” nahihiyang sagot ni Jay.
“Nagsisinungaling ka eh!” pagmamaktol ni Charles para mapilit si Jay na sabihin ang totoo. “Siguro siya ang palagi mong pinagpapantasiyahan noh?” panunukso nito.
“Hindi noh! Sira ka talaga kahit kelan.” sagot ni Jay.
“Kung ako nalang sana ang pinagpapantasyahan mo. Eh, hindi ka na sana mahihirapan pa. Sabihin mo lang.” sabi ni Charles.
“Yuck! Kadiri! Hahaha. Ikaw pagpapantasyahan ko? Never in my whole life na pagpapantasyahan kita.” pang-aasar ni Jay sa kaibigan.
“Kung maka-yuck ka naman parang wagas. Madalas ka nga matulog sa kwarto ko kasi gusto mo may kayakap ka. Tapos minsan gusto mo isiksik yang ilong mo sa may kilikili ko kung matutulog ka. Ngayon mandidiri ka sa akin?” naaasar na sagot ni Charles.
“Hahaha.” tatawa-tawang sagot ni Jay. “Huwag ka na magtampo mahal. Pa-kiss nga para hindi na magtampo ang mahal ko.” biro ni Jay sa kaibigan.
“Mahal ka dyan. Kani-kanina lang nandidiri ka sa akin, tapos ngayon mahal na tawag mo?” inis pa ring sagot ni Charles.
‘Ikaw naman mahal. Hindi ka na mabiro. Sige ka, hindi ko sasabihin sa ‘yo kung sino ang lalaking nasa larawan.” sagot ni Jay.
Ganyan na sila simula nang maging close silang magkaibigan, mahal ang kanilang tawagan kapag nilalambing ang bawat isa. Walang halong malisya o pagkukunwari. Kapag may nakakarinig nga sa kanila ay hindi maiwasang sila’y tingnan o lingunin dahil sa tawagan nilang ‘yon.
Dahil sa alam ni Charles ang ugali ng kaibigan kaya hindi na siya nagtampururot dito. Alam kasi niyang tototohanin nito na hindi sabihin ang gusto niyang malaman.
“Sino nga ‘yon?” tanong uli ni Charles sa medyo nagtatampo na tono. Curious kasi siya dahil sa hindi naman naglilihim ang kaniyang kaibigan pagdating sa mga bagay-bagay. Ngunit ngayon bakit hindi nito sinasabi ang tungkol doon. Sa tinagal-tagal ng kanilang pagkakaibigan ay ngayon lang ito naglihim ng ganoon.
“Sino?” biro ni Jay.
“Iyong lalaki sa painting.” sagot ni Charles.
“Ahh, ‘yon ba? Wala iyon. Imahinasyon ko lang ‘yon na siya ang aking prince charming sa isang magical land. Hehehehe.” sagot ni Jay na tuwang-tuwa sa reaksiyong nakikita sa mukha ni Charles.
“Ang saya mo! Akala ko kung sino na ‘yon.” nangingti nang sagot ni Charles.
Hindi alintana ng dalawa kahit pinagtitinginan na sila ng ibang tao doon sa waiting area. Basta ang alam nila wala silang ginagawang masama.
Hindi nila namalayan na malapit na pala silang sumakay ng eroplano.
Mahigit isang oras ang biyahe ng eroplano papuntang Tacloban. Hindi naman makatulog si Charles kaya nag-usap nalang sila ni Jay.
Habang sila ay nag-uusap ay hindi naiwasang itanong ni Charles ang tungkol sa kinagisnang magulang ni Jay.
“Buds, wala ka bang balak na puntahan ang mga magulang mo? Kahit naman na itinakwil ka nila ay panahon na siguro upang puntahan mo sila at kumustahin.” pangungumbinsi ni Charles.
“Matagal na panahon na rin nang umalis ako sa pook na naging sanhi ng mga pighati ko. Matagal na panahon ding wala na akong kumunikasyon sa mga taong nagkaroon ng kaugnayan sa akin noon. Nais ko mang pumunta doon pero baka ipagtabuyan pa rin ako ng mga magulang ko. Hindi ko na nais pang makarinig nang masasakit na salita.” mahabang turan ni Jay.
“Pero hindi ba sumagi sa isip mo na baka hinanap ka rin ng mga magulang mo? At ang mga nasabi siguro nila ay dala lang ng sobrang pighati dahil sa pagkamatay ni Kuya Mark?” ani Charles.
“Nangyari na ‘yon. At nasaktan na ako sa mga pinagsasabi nila. Pero kahit ganun ang ginawa nila sa akin ay pinatawad ko na sila matagal na. nagpapasalamat pa nga ako sa kanila dahil kinupkop nila ako nung maliit pa ako.” ani Jay na maluha-luha.
Hindi na lamang kumibo si Charles. Alam niyang emosyonal na ang kaniyang kaibigan. Ang ginawa na lamang niya ay inalo ito.
Maaga pa ng sampung minuto ng makarating sila sa airport sa Tacloban. Pagkalabas nila ng airport ay nakita agad ni Charles si Mang Domeng na siyang sumundo sa kanila.
“Kumusta na po kayo Ser Charles? Ang tagal po bago kayo nakauwi dito sa atin ah..” pangungumusta ni Mang Domeng.
“Okay naman po ako Mang Domeng. Medyo busy lang po sa trabaho kaya hindi ako nakakauwi dito sa atin.” sagot ni Charles. “Siyanga nga po pala, si Jay. Bestfriend ko po.” pakilala ni Charles kay Jay sa matanda.
“Kumusta po Ser Jay. Hindi po ba kayo napagod sa biyahe papunta dito sa amin?” ani Mang Domeng.
“Okay lang naman po. Hindi naman po ako napagod. Isang oras lang naman ang biyahe papunta dito.” sagot ni Jay.
“Naku mga limang oras pa po bago tayo makarating sa bahay nila Ser Charles.” pagbibigay impormasyon ni Mang Domeng habang isinasakay ang dalang mga bagahe ng magkaibigan.
“Ganun po ba?” tanong ni Jay.
“Opo.” sagot ni Mang Domeng.
Matapos masigurong naisakay na ni Mang Domeng ang mga bagaheng dala ng magkaibigan ay lumulan na sila nang sasakyan upang makaalis na at makarating na sa kanilang destinasyon.
Humigit kumulang limang oras pa ang kailangan nilang lakbayin para makarating sila ng Borongan Samar. Bago sila tumuloy sa kanilang lakad ay dumaan muna sila sa McDo para bumili ng pagkain para kung magutom man sila ay mayroon silang makakain.
“Ser Jay, buti naman po at nakapunta na kayo dito sa amin.” masayang turan ni Mang Domeng habang nagmamaneho ng sasakyan.
“Oo nga po. Sa tagal-tagal ng pagkakaibigan namin nitong si Charles ay ngayon lang ako makakapunta sa kanila. Paano kasi palaging si Mama Claire ang pumupunta doon sa Manila para daw makapasyal naman siya.” sagot ni Jay.
Dahil nga sa hapon na ay gutom na talaga si Jay. Buti nalang at meron silang biniling pagkain na pwede nilang lantakan habang nasa biyahe.
“Kain po tayo Mang Domeng.” alok ni Jay sa kasamang driver. Si Charles naman ay kinuha na ang isang plastic na merong lamang pagkain at sinimulan na itong kainin.
“Kayo nalang po ang kumain. Katatapos ko lng po kasing kumain nung dumating kayo sa airport.” sagot ni Mang Domeng.
Habang kumakain sila Jay ay hindi naman maiwasan ni Jay na humanga sa dinadaanan nila. Mula sa bughaw na karagatan hanggang sa luntiang kagubatan. Parang biglang nawala ang bigat ng kaniyang dibdib at napalitan ng katiwasayan.
“Ang ganda talaga dito. Hindi ko sukat akalain na meron pang mga ganitong lugar.” humahangang wika niya matapos nguyain ang kaniyang pagkain.
Natawa nalang sila Mang Domeng at Charles sa inaasal ni Jay. Para kasi itong bata na tuwang-tuwa dahil binigyan ng laruan na gustong-gusto nito dahil lamang sa nakikita nito sa daan.
Matapos kumain ay naisipang matulog ni Jay habang nasa biyahe pa sila. Hindi na kasi niya mapigilan pa ang kaniyang antok. Humilig siya sa kandungan ni Charles para gawing unan ang mga hita nito.
Natatawa nalang si Mang Domeng habang pinagmamasdan ang ginawa ni Jay at napansin naman ito ni Charles.
“Huwag na po kayong magtaka Mang Domeng. Ganito lang po talaga kami ng aking kaibigan. Saka minsan isip-bata itong si Jay. Walang pakialam sa paligid nito.” paliwanag ni Charles matapos makitang tulog na ang kaibigan.
“Naku hindi niyo na po kailangan magpaliwanag Ser. Saka para nga lang kayong magkapatid ni Ser Jay. Meron po kasi kayong pagkakahawig kung susuriing mabuti ang inyong mga mukha.” ani Mang Domeng habang nagmamaneho.
“Sa tinagal-tagal ng aming pagkakaibigan ay ngayon ko lang napansin ‘yan Mang Domeng. Kung hindi niyo siguro sinabi ay hindi ko rin ito mapapansin.” ani Charles habang sinusuri ang mukha ng kaibigan.
“Jay, gising na. Nandito na tayo. Jay!” panggising ni Charles.
“Tulog muna ako.” sagot ni Jay.
“Kapag hindi ka pa tumayo, hahalikan kita!” pagbabanta ni Charles.
Agad na bumangon si Jay saka lumabas ng sasakyan. Hindi na niya hihintayin pang halikan siya ni Charles. Alam kasi niyang tototohanin nito ang banta.
Pagkababa niya ng sasakyan ay nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita.
Itutuloy……………………
No comments:
Post a Comment