Mar 1, 2012

King's Tears Chapter 13


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



Nagtaka si Jay sa tinuran ni Prinsipe Marcus. Magtatanong na ulit siya nang ito ay magsalita uli.

“Oo Jay. Kahit hindi ka pa nakakapunta dito ay kilala na kita. Kilala ka na ng kwintas. At dahil sa ikaw ang pinili ng kwintas ay magkarugtong na tayo at kaya kitang sundan saan ka man pumunta. Kahit mapalayo ka dito sa palasyo ay mahahanap at mahahanap pa rin kita.” wika ni Prinsipe Marcus.

Bago nila maipagpatuloy ang kwentuhan ay may dumating na mga tagasilbi ng palasyo na merong dalang mga pagkain. Unang tingin pa lang ay masasabi mong masasarap ang mga pagkaing inihanda. Biglang natakam si Jay sa kaniyang nakita at naalala niyang di pa pala siya nakakakain ng hapunan.

“Kumain muna tayo.” wika ni Prinsipe Marcus. “Alam ko kasing gutom ka na kaya nagpadala ako dito nang ating makakain.” dagdag nito.

Kumalam naman ang tiyan ni Jay at sa lakas ng tunog nito ay rinig na rinig ito ni Prinsipe Marcus.

“Gutom ka na nga.” natatawang wika pa nito.

Kakain na sana si Jay ngunit napansin niya na hindi pa rin umaalis ang mga tagapagsilbi ng palasyo.

“Pwede bang paalisin mo muna sila bago tayo kumain?” pakiusap ni Jay kay Prinsipe Marcus. “Hindi kasi ako sanay na may nakatingin sa aking habang ako ay kumakain.” dagdag pa ni Jay.

“Susundin kita sa ngayon pero dapat ka nang masanay na may nagsisilbi sa ‘yo dahil ikaw ay ang siyang magiging katuwang ko sa pamumuno dito sa kaharian.” wika ni Prinsipe Marcus.

Nilisan nga ng mga tagapagsilbi ang silid na iyon ni Jay.

Pagkalabas na pagkalabas ng mga tagasilbi ay agad na kumuha ng pagkain si Jay. Unang nilantakan niya ay ang litsong manok.

Habang nginunguya ang pagkain ay walang malasahan si Jay kaya tinikman niya isa-isa ang mga nakahaing pagkain.  Tulad sa litsong manok ay wala ring lasa ang mga ito.

“Hindi ba masarap ang mga pagkain?” takang tanong naman ni Prinsipe Marcus.

“Walang lasa ang mga pagkain.” sagot ni Jay.

Dahil sa sagot ni Jay kaya tumikim din si Prinsipe Marcus. Hindi pa kasi ito kumakain dahil pinagmamasdan lang nitong kumain si Jay.

“Masarap naman ah.” sabi ni Prinsipe Marcus habang nginunguya ang pagkain.

Naalala ni Jay ang kwento sa kaniya ni Charles na hindi daw gumagamit ng asin ang mga engkanto sa pagluluto ng kanilang pagkain. Kahit birubiruan lang nila ang usapang iyon ay napatunayan niya na totoo pala ang kwento ng kaniyang kaibigan.

“Oo masarap nga. Pero prutas nalang ang kakainin ko.” palusot ni Jay habang ipinagpapatuloy ang kaniyang pagkain. Alam kasi rin niya na bawal ang salitang asin sa mundo ng mga nilalang na di nakikita ayon na rin sa kanilang kwentuhan ni Charles.



Samantala habang kumakain sina Jay at Prinsipe Marcus, sa bulwagan ng palasyo naman ay nagpupulong ang hari at reyna kasama ang ibang ministro tungkol sa napili ng kwintas. Minungkahi kasi ng lahat ng mga ministro na kailangan nilang pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon at hindi na pwedeng ipagsawalang-bahala na lamang.

“Ngayon lamang nagyari ang ganito kamahalan.” wika ng isang ministro.

“Alam ko ang inyong nais ipahiwatig mga mahal kong ministro ngunit ang kwintas ang pumili sa kaniya.” sabi ni Haring Erasmos. “At ang pinili ng kwintas ang siya nating susundin.” dagdag nito.

“Ngunit kamahalan, maaaring nagkakamali lamang ang kwintas.” salungat ni Ministro Lisandro.

“Simula pa noong ang kwintas na ang pumipili sa magiging katuwang ng hari sa pamumuno ng kaharian ay hindi pa ito nagkakamali. At sa mga panahong iyon ay naging matiwasay ang pamumuhay ng mga sinaunang nanirahan dito sa ating kaharian.” sagot naman ni Reyna Odessa.

Natahimik ang lahat sa sinabi ng reyna at wari ay napaisip.

“Alam niyo rin naman na hindi basta-basta pumipili ang kwintas. Kahit ikaw pa ang napili ng kwintas ay dadaan ka pa rin sa pagsubok na tanging ang kwintas lamang ang nakakaalam.” dagdag pa ni Reyna Odessa.

“Ngunit kamahalan, maaaring ito na ang panahon kung kailan magaganap ang sumpa.” sabat naman ng isa pang ministro. “Saka pareho silang lalake.” dagdag nito.

“Kung iyon ang kaloob ni Bathala ay dapat nating tanggapin iyon ng maluwag sa ating kalooban at gaya ng sabi ng reyna, dadaan pa sa pagsubok ang may hawak ngayon sa kwintas.” sagot ng hari bago niya tinapos ang pagpupulong.



“Busog ka na ba?” tanong ni Prinsipe Marcus kay Jay.

“Oo.” sagot ni Jay bago uminom ng tubig.

Mayamaya pa ay may pumasok na tagasilbi at kinuha ang mga pinagkainan nila Jay.

Matapos ang ilang palitan pa ng salita ay nagpaalam na si Jay na siya ay magpapahinga na. Agad namang tumango si Prinsipe Marcus dahil alam niyang pagod ito sa dami ng pinagdaan.

Naglakad na si Jay patungo sa higaan niya. Pero bago pa siya makalakad nang malayo kay Prinsipe Marcus ay tinawag siya nito.

“Jay.” wika ni Prinsipe Marcus.

Lumingon si Jay kaya nakita niyang matamang nakatitig sa kaniya si Prinsipe Marcus. Nang magtama ang kanilang paningin ay parang meron kung anong mahika na hindi magawang umiwas ng tingin si Jay. Ewan ba niya kung bakit ganito ang kaniyang nararamdaman.

Unti-unting lumalapit si Prinsipe Marcus sa kinatatayuan ni Jay. Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Jay habang nakatingin pa rin kay Prinsipe Marcus. Iyon bang parang merong naghahabulang mga kabayo sa loob ng kaniyang dibdib.

Pagkalapit na pagkalapit nito sa kaniya ay masuyong niyakap ni Prinsipe Marcus si Jay. Naramdaman niya na sa tuwing yakap-yakap siya ni Prinsipe Marcus ay parang ligtas  siya sa anumang panganib o kapahamakan.

Isang pulgada nalang ang layo ng kanilang mga mukha ay hindi napigilang pumikit ni Jay. Mayamaya lang ay naramdaman na niya ang labi ni Prinsipe Marcus na dumampi sa kaniyang mga labi. Napakalambot ng mga labi nito. Napakasarap sa pakiramdam.

Sa mga sandaling iyon ay parang idinuduyan si Jay. Kahit nakapikit siya ay parang may nakikita siyang mga alitaptap na nagliliparan sa kaniyang paligid.

“Matulog ka na. Ipapasyal kita bukas dito sa aming kaharian.” basag ni Prinsipe Marcus.

Biglang naputol ang nararamdamang kaligayahan ni Jay saka iminulat niya ang kaniyang mga mata. Kanina pa pala natapos ang kanilang halikan at kanina pa pala siya tinititigan ni Prinsipe Marcus.

Nahihiyang kumalas si Jay sa kanilang yakapan saka mabilis na tinungo ang higaan at nagtalukbong ng kumot.

Ilang saglit lang ay narinig niyang bumukas at sumara ang pinto ng kaniyang silid.

Mag-isa nalang si Jay sa silid na iyon. Dahil sa hindi sanay si Jay sa kaniyang suot na kasuotan kaya pakiramdan niya ay parang maalinsangan ang paligid. Hinubad niya ito at tanging boxer shorts lamang ang kaniyang itinira saka nahiga uli sa kaniyang higaan at niyakap ang unan na nasa kaniyang tabi.

Dahil sa sobrang pagod kaya nakatulog agad si Jay at hindi niya namalayan ang pagtabi sa kaniya ng isang nilalang.



Maganda ang naging tulog ni Jay. Pagkagising niya ay naramdaman niyang may kayakap siya dahil sa init na nagmumula sa hubad nitong katawan. Napansin din niya na nakapatong ang kaniyang hita sa bukol nito at naramdaman niya ang pagkislot nito dahil sa wala siyang suot maliban sa  kaniyang boxer shorts. Dahil dito ay napabalikwas ng bangon si Jay.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Jay kay Prinsipe Marcus.

“Magandang umaga mahal.” sagot nito.

“Bakit dito ka natulog?” tanong uli ni Jay.

“Gusto ko lang matulog sa tabi ng mahal ko.” sagot nito sa tanong niya habang tinititigan nito ang katawan niya.

Naalala ni Jay na wala siyang suot na damit kaya nahiya siyang tumalikod dito saka hinanap ang kaniyang damit upang isuot. Hindi kasi siya sanay na merong ibang taong nakatitig sa katawan niya. Kahit nga ang bestfriend niya ay mabibilang ang pagkakataong nakita nito ang kaniyang hubad na katawan.

Mabilisang nagbihis si Jay. Si Prinsipe Marcus naman ay parang walang ibang nilalang na nakakakita sa kaniya dahil sa di man lang ito nag-abalang magbihis.

Nakita ni Jay na parang boxer shorts lang din ang suot ni Prinsipe Marcus. Dahil sa nahihiya siyang makipag-usap dito sa nakahubad nitong hitsura kaya tumalikod na lamang siya dito.

“Pwede bang magbihis ka muna ng iyong kasuotan?” ani Jay.

“Kung ‘yan ang iyong nais mahal ko.” wika ni Prinsipe Marcus.

Matapos makapagbihis ay niyayang mag-almusal ni Prinsipe Marcus si Jay ngunit tulad ng dati ay prutas at matatamis lang ang kinain ni Jay.



Matapos makapag-almusal ay isinama ni Prinsipe Marcus si Jay sa kaniyang pamamasyal. Dahil sa unang pagkakataon palang niya sa ganitong mundo ay namamangha talaga si Jay sa kaniyang nakikita na naging dahilan para makalimutan niya na sa ibang mundo siya nakatira.

Samu’t sari ang nakitang kakaiba ni Jay. Iba’t ibang klase ng puno at mga bulaklak na iba-iba ang kulay, hugis at halimuyak.

“Jay halika dito.” wika ni Prinsipe Marcus hila-hila ang kamay ni Jay habang sila ay namamasyal sa tabi ng isang ilog.

Nakaharap sila ngayon sa isang napakagandang puno. Sumipol si Prinsipe Marcus at pagkatapos nito ay nagsilabasan sa puno ang napakaraming paro-paro na iba-iba ang kulay.

“Ang ganda!” namamanghang wika ni Jay. Ngayon lang niya nakita ang ganoon karaming paro-paro na merong iba’t ibang kulay.

Pagkatapos magsalita ni Jay ay may narinig siyang mga bungisngis. Lumingon siya sa paligid pero wala naman siyang makita na ibang nilalang maliban sa kanilang dalawa ni Prinsipe Marcus.

“Isang karangalan ang inyong pagbisita sa amin kamahalan!” wika ng isang tinig.

“Walang anuman iyon mga munting kaibigan.” sagot ni Prinsipe Marcus.

Ano daw? Mga munting kaibigan? Sino ang kausap nito? Nagtatakang tumingin si Jay kay Prinsipe Marcus.

“Sila ang mga kaibigan kong mga diwata.” sagot ni Prinsipe Marcus sa mga nagtatanong na tingin ni Jay.

Ngayon lang napansin ni Jay na mga maliliit na tao pala na merong mga pakpak ang nagliliparang samu’t saring paro-paro.

“Sila ang nangangalaga sa ating kalikasan kasama ang mga bulaklak at puno sa buong kagubatan.” sabi uli ni Prinsipe Marcus.

“Ginagawa lang po namin ang aming tungkulin kamahalan.” wika ng isang diwata sa harap nila ni Prinsipe Marcus. “Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo kamahalan?” tanong nito sa kanila.

“Gusto ko lang makilala niyo si Jay, ang makakatuwang ko sa pamamahala dito sa ating kaharian munting kaibigan.” sagot ni Prinsipe Marcus. “Jay, siya si Liwayway, ang pinuno ng mga diwata.” pakilala naman ni Prinsipe Marcus sa kaibigang diwata.

“Isang karangalan sa aming mga diwata ang dalawin ng mga susunod na pinuno ng kaharian.” masayang wika ng diwata.

Tuwang-tuwa din ang iba pang mga diwata sa nalaman nilang balita. Mayamaya lang ay parang nagsisiawitan pa ang mga ito at nagsasayaw sa hangin.

Masayang masaya si Jay sa kaniyang nakikita. Gusto niyang kuhanan ng larawan ang mga diwata kaya kinapa niya ang kaniyang cellphoone sa loob ng bulsa ng kaniyang kasuotan. Ngunit nadismaya lang siya ng maalala niya na low bat na pala ang cellphone niya.




Itutuloy……………………




No comments:

Post a Comment