Feb 25, 2012

King's Tears Chapter 10


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



“Wow. Buds, hindi ko aakalaing mayaman pala kayo. Hindi kasi halata sa ‘yo. At saka ang ganda ng bahay niyo.” namamanghang sambit ni Jay habang nililinga-linga ang buong paligid. Kahit kasi gabi ay meron namang mga ilaw na tumatanglaw sa kapaligiran kaya nakikita ang kagandahan nito.

“Mas magandang tingnan ‘yan bukas.” may pagmamalaking sambit ni Charles. “Mang Domeng pakidala nalang po ng mga gamit ko sa kuwarto. Iyong kay Jay naman ay sa guest room niyo po dalhin.” pakiusap naman ni Charles sa driver nila.

“Opo ser.” ani Mang Domeng.

“Pumasok na tayo. Bukas ka na magmasid-masid diyan. Gutom na kasi ako.” yaya ni Charles sa kaibigan.

“Kumusta ang biyahe niyo?” bungad ni Mama Claire pagkapasok nila ng bahay.

“Okay naman po ma. Natagalan lang kami kasi matagal kong ginising si Jay kanina. Hindi tuloy kami umabot sa unang flight ng eroplano.” biro ni Charles sabay halik sa pisngi ng ina.

“Hindi po totoo ‘yan ma. Hindi po kaya kami nagpalit ng flight.” depensa naman ni Jay bago humalik din sa pisngi ng ina ni Charles.

“O, siya, siya. Kayo talaga, ang lalaki niyo na puro pa rin kayo kalukohan. Pumasok na tayo at nang makakain na kayo. Alam kong gutom na kayo at gusto niyo nang makapagpahinga ng maaga.” sabi ni Mama Calire. “Nagpaluto ako ng masasarap. Iyong paborito mo Jay.” dagdag sabi nito.

“Talaga po ma?” masayang sambit ni Jay. Alam kasi niyang puro sariwa ang ipinaluto nito.

“Oo. Kaya tayo na at nang makapagpahanda na ako sa mesa ng pagkain.” sagot ni Mama Claire.

Alam naman ng Mama Claire nila kung anong oras sila pwedeng makarating doon kaya nagpahanda na ito ng hapunan nang makakain na sila ng maaga.

“Ma, pwede po bang maglinis po muna ako ng katawan? Kanina ko pa kasi gustong maligo eh.” sabad naman ni Charles.

“Sige, maglinis muna kayo ng mga katawan niyo habang ipinahahanda ko pa ang mesa.” sagot ng kaniyang ina.



Matapos makapaglinis ng katawan ay dumeritso na sila sa hapag-kainan. Sarap na sarap si Jay sa pagkain. Halos lahat ng ulam ay seafoods na puro paborito niya. Hindi niya maiwasang hindi lantakan ito.

“Dahan-dahan ka naman Jay sa pagkain.” natatawang wika ni Charles.

Hindi naman makasagot si Jay dahil sa puno ang bibig nito ng pagkain.

“Hayaan mo nalang si Jay anak. Ngayon lang siya kumakain ng marami. Hindi naman ‘yan palakain.” wika ni Mama Claire.

Totoo na ngayon lang ganadong kumain si Jay kaya natutuwa si Charles dahil sa kumain ito ng marami.



Matapos makakain at konting kumustahan ay napagpasyahan ng dalawa na mag-inuman doon sa kwarto ni Charles. Isang case ng redhorse ang kanilang iinumin.

Dahil sa may sariling ref sa loob ng kwarto si Charles ay doon nila inilagay ang ibang bote ng beer para malamig pa rin ito kung iinumin nila at yelo upang hindi ito matunaw agad. Nagdala nalang sila ng pulutan doon upang hindi na sila pumunta pa ng kusina.

Habang nag-iinuman….

“Buds, sino ba talaga ang nasa painting na ‘yon?” usisa ni Charles sa kaibigan. “Alam ko kung kelan ka nagsisinungaling at hindi.” dagdag pa niya.

“Hindi talaga ako pwedeng maglihim sa ‘yo. May lahing lobo ka ba at naaamoy mo kung nagsisinungaling ako?” natatawang sambit ni Jay.

“Siya ang nag-iisa kong kuya. Siya si Kuya Mark.” medyo may lungkot ang boses ni Jay habang nagkukwento. “Kahit matagal ko nang hindi nakikita ang kaniyang mukha ay nakatatak pa rin sa aking isipan ang kaniyang hitsura. Tanging ang painting na ‘yon ang nag-iisang alaala ng mahal kong kuya. Kaya nga kung minsan ay tinitingnan ko lang ang painting na ‘yon kung nalulungkot ako.” ang mahaba-habang salaysay ni Jay.

Alam ni Charles na depress na naman ang kaniyang kaibigan kaya niyakap nalang niya ito.

“Shhhh. Kalimutan mo na iyong mga masasakit na nagyari sa buhay mo. Dito lang ako para damayan ka. Kami ni mama.” sabi ni Charles.

“Ibahin na nga lang natin ang usapan. Nag-eemote tuloy ako dahil sa ‘yo eh.” maktol ni Jay sa kaibigan.

“Hehehehe.” natatawang sagot ni Charles.

Matapos nilang maubos ang kanilang iniinom ay lupaypay na si Jay. Hindi na nga halos makabangon dahil sa kalasingan. Inalalayan na lamang ni Charles ang kaibigan upang ihiga sa kama bago niya inimis ang kanilang pinag-inuman.

Pagkatapos linisin ang kanilang pinag-inuman ay natulog na rin si Charles.



Dahil sa pagod sa biyahe at sa kalasingan ay alas-diyes na ng umaga nagising ang dalawa. Nakayakap pa si Jay kay Charles ng magising siya.

“Good morning buds. Sarap talaga ano ‘pag meron kang kayakap sa pagtulog ano?” masayang bati ni Charles sa kaibigan.

“Siyempre naman lalo na at kasing guwapo ko ang kayakap mo. Hahahaha.” natatawang biro ni Jay.

“Guwapo mong mukha mo.” ganting biro naman ni Charles.



Natigil lamang ang kanilang harutan nang makarinig sila ng mga katok mula sa pinto.

“Ser Charles, bangon na daw po kayo sabi ni Ma’am Claire.” ani ng kanilang katulong.

“Susunod na po ako Manang. Pakisabi nalang po kay mama.” sagot ni Charles sa katulong.

“Kailangan na nating bumangon. Remember ngayon ang birthday ni Mama.” paalalang sabi ni Charles sa kaibigan.

“Oo nga pala. Baka magtampo si Mama kung hindi natin mabati ‘yon ngayon.” sabi ni Jay.



Dali-daling tinungo ni Jay ang kaniyang kuwarto upang makaligo na samantalang si Charles naman ay pumasok na sa sariling banyo sa loob ng kaniyang kuwarto para maligo rin.

Naunang nakatapos si Jay sa pagligo. Pagkatapos magbihis ay agad na lumabas siya ng kuwarto saka tinungo ang sala at naabutan naman niya si Mama Claire na nandoon nakaupo habang may kausap na babae.

“Good morning po ma.” bati sa ina ng kaibigan bago humalik sa pisngi nito. “Good morning din po sa inyo.” bati naman ni Jay sa bisita.

“Good morning din hijo.” sabi ni Mama Claire.

“Good morning din po sa inyo.” sagot naman ng hindi kilalang bisita. “Hindi na po ako magtatagal Ma’am Claire. Marami pa po ang kailangang ayusin para mamaya.” pamamaalam naman nito sa ginang.

Nang makaalis na ang babae ay binati naman ni Jay ng maligayang kaarawan ang ginang.

“Happy birthday po Ma. May regalo po ako sa inyo.” masayang sabi ni Jay.

“Kahit wala kayong regalo sa akin ay okay lang basta nandito kayong dalawa ni Charles.” sagot naman nito.

“Hindi po maaari ‘yon. Dapat meron po kayong remembrance galing sa akin lalo na’t ngayon ang unang punta ko dito.” sagot ni Jay. “Sandali lang po at kukunin ko lang doon sa kuwarto.” dagdag pa niya.

“Ikaw talaga! Nag-abala ka pa.!” masayang sambit ng ginang.

Kinuha nga ni Jay ang kaniyang regalo para sa Mama Claire niya. Sakto namang paglabas ng kuwarto ni Jay ay lumabas na rin ng kuwarto niya si Charles.

“Ano ‘yan?” nagtatakang tanong ni Charles. Kahit na meron na siyang ideya ay nagtanong pa rin siya sa kaibigan.

“Regalo ko kay mama.” ani Jay.

“Tiyak na matutuwa niyan si mama.” masayang sambit ni Charles.

Nang makita nga ng Mama Claire nila ang regalo ay labis na natuwa ito. Sino ba naman ang hindi matutuwa kung reregaluhan ka ng isang portrait na sarili mo ang nakapinta?

“Ito na ang pinakamagandang regalong natanggap ko.” naiiyak pa nitong sambit.



Naging busy ang mga tao sa loob ng bahay nila Charles ng araw na iyon dahil nga sa kaarawan ito ng kaniyang mama.



Ala-sais ng hapon ay handa na ang lahat para sa pagtitipon. Meron na ring mangilan-ngilang panauhin na nandoon sa kanila.

Kakatuwa ang mga kasuotan ng mga dumalo. Isa kasing costume party ang nasabing handaan na iyon.

Dahil sa ang may kaarawan ang may pasimuno nito kaya ito rin ay nakagayak ayon sa nais nitong mangyari. Nakasuot ito ng gown na animo ay isang reyna sa isang kaharian.

Sila Jay at Charles naman ay animo mga prinsepe. Lutang na lutang ang kaguwapuhan ng dalawa sa kanilang suot na damit.


Parami nang parami ang dumarating na bisita sa naturang pagtitipon. Karamihan sa mga dumadalo ay halos masasabi mong nabibilang sa mga mayayamang angkan.

Bawat bisitang dumarating ay ipinakikila sila Jay at Charles ng ginang. Proud na proud ito sa dalawang binata. Halos lahat kasi ng mga kadalagahan na nagsidalo sa pagtitipong iyon ay nakatuon na lamang ang pansin para sa dalawang binata.



Nagsimula na ang sayawan ng maisipang maglakad-lakad muna ni Jay sa paligid. Dahil sa liwanag ng buwan ay hindi na kailangan pa ng anumang ilaw para lamang makita niya ang kaniyang dinaraanan.

Naisipang pumunta ni Jay sa likod ng bahay upang malayo naman siya sa maingay na tugtog. Sampung metro o mahigit pa siguro ang nalalakad ni Jay nang mapansin niya ang isang lalaking nakatalikod sa kanya at nakatayo malapit sa isang puno na merong maraming alitaptap na nagliliwanag.

“Sino po kayo? Bakit po kayo nandito?” mga tanong agad ni Jay sa lalaki. Napansin ni Jay na parang galing din ito siguro sa party kasi nga e naka-costume din ito tulad ng isang prinsepe.

Humarap sa kaniya ang lalaki. Laking gulat ni Jay sa kaniyang nakita. Hindi siya maaring magkamali. Ang suot nito ay tulad ng sa panaginip niya. At ang mukha nito…. kahawig ang kaniyang Kuya Mark. Pero imposible iyon dahil sa matagal nang patay ang kaniyang kuya at ang hitsura nito ay masasabi mong magka-edad lang sila.

“Isa ka bang dayo dito sa pook na ito ginoo?” tanong ng lalaki na nagpabalik sa kaniyang ulirat.

“Oo, kasama kong nagbakasyon ang kaibigan ko.” naluluhang sambit ni Jay. “Pwede ba kitang yakapin?” tanong niya sa lalaki. Kahit hindi pa ito sumasagot ay niyakap na niya ito. Sobra-sobra kasi ang kaniyang pangungulila sa kuya niya.

Hindi man lang nagulat ang lalaki sa inasta ni Jay bagkus ay niyakap din siya nito.

Nang mahimasmasan na si Jay ay humingi siya ng paumanhin sa lalaki sa kaniyang inasal kani-kanina lang saka nagtanong uli dito.

“Ano ang pangalan mo?” tanong niya dito nang hindi inaalis ang tingin sa lalaki.

“Ako nga pala si Marcus.” pakilala nito sa kaniya. “Natanong ko kanina kung dayo ka rito kasi halos lahat ng tao dito ay magkakakilala. Ngayon lang kasi kita nakita dito.” paliwanang nito sa pagtatanong kanina.

“Ako nga pala si Jay.” pakilala naman ni Jay sa sarili saka inilahad ang kamay sa bagong kakilala.

“Jay! Nasaan ka?” malakas na sigaw ni Charles ang bumasag sa pag-uusap ni Jay at Marcus.

“Nandito ako!” ganting sigaw ni Jay sa naghahanap. “Teka lang at ipapakilala kita sa kaibigan ko” wika ni Jay kay Marcus bago tumalikod at sinalubong ang naghahanap sa kanya na kaibigan.



“Bakit ka ba nandito at ano ang ginagawa mo dito?” mga tanong ni Charles sa kaibigan.

“Naglakad-lakad lang at nagpahangin. Heheheh.” sambit ni Jay. “Teka nga pala at ipapakilala kita sa bago kong kaibigan si Marcus.” sabi ni Jay habang hila-hila ang kamay nito papunta sa puno kung saan sila nag-usap ni Marcus.

“Nasaan na?” tanong ni Charles.

“Umalis na yata.” malungkot na sabi ni Jay.

“Bakit ba dito kayo nag-usap? Ang dilim kaya dito.” tanong uli ni Charles.

“Maliwanag naman kaya kanina dito. Marami kayang mga alitaptap diyan na nagliliwanang kanina.” panganagtwiran ni Jay.

“Hay naku. Bumalik na tayo doon sa party at hinahanap na tayo ni mama.” sabi ni Charles.


Bago umalis sa kinatatayuan si Jay ay nilingon niya muna ang puno kung saan sila nag-usap kanina ni Marcus nang may mapansin siyang bagay na kumikinang dahil sa sinag ng buwan na tumatama dito.

Agad niya itong nilapitan at pinulot. Isang kwintas ang kaniyang nakita na merong kakaibang hugis ang palawit nito.

“Siguro nahulog ito ni Marcus kanina.” sambit ni Jay. “Isusuli ko nalang ito kung magkita kami uli.”




Itutuloy……………………




No comments:

Post a Comment