DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.
“Maaari ba kitang tanungin nilalang?” wika ni Jay habang siya ay nakatingin dito. “May nais lamang akong mabatid upang ako’y makapagpasya nang malinaw.” dagdag pa nito.
“Opo mahal na prinsipe.” sagot nito sa tanong ni Jay.
“Nakita ka ba ng taong iyon?” deretsahang tanong ni Jay.
Biglang tumahimik ang paligid nang matapos ni Jay ang kaniyang tanong. Ang iba ay halos manlaki ang mata dahil sa tanong niyang iyon.
Mayamaya lang ay tumawa nang malakas ang hari pati maging ang reyna. Nagsipagsunuran din ang mga ministro ngunit si Jay ay seryoso pa rin ang mukha.
Natigil ang tawanan nang may magsalitang isang ministro.
“Ngunit kamahalan wala pong sinumang tao ang makakakita sa atin maliban lamang kung ito ay ating pahihintulutan. Kaya nga walang sinumang tao ang nakakapunta dito sa ating mundo.” wika ni Ministro Sameer.
Matamang nag-iisip si Jay. Mayamaya lang ay nagsalita ito. “Kung gayon, walang kasalanan ang taong iyon.” wika ni Jay.
Nanlaki ang mga mata ng mga naroroon. Si Ministro Lisandro naman ay hindi na nakapagtimpi pa at nagsalita na rin.
“Paano pong naging walang kasalanan ang taong iyon kamahalan, kung tinamaan niya ang nilalang na ito habang siya ay nagpuputol ng puno?” wika ni Ministro Lisandro.
“Maari bang bigyan mo kami ng linaw Prinsipe Jay?” wika naman ng hari.
Bago magsalita si Jay ay tiningnan niya muna si Prinsipe Marcus. Hindi ito nagsasalita bagkus ay pinapabayaan lang siya nito. Ngumiti ito sa kanya noong sumulyap siya dito na para bang nagsasabi na kaya niya.
“Halimbawa po ay habang naglalakad tayo sa daan at may makakasalubong tayo. Para hindi po tayo masagi ay iiwas tayo kasi nga eh nakikita naman po natin. Ngunit kung hindi natin nakikita, paano tayo iiwas?” paliwanag ni Jay.
“Kagaya po ‘yan sa nangyari sa nilalalang na ito. Batid kasi ng taong iyon na wala siyang masasaktan kaya ipinagpatuloy niya ang pagputol sa puno.” dagdag ni Jay.
“Makatwiran ang sinambit na paliwanag ni Prinsipe Jay.” wika ni Reyna Odessa matapos magpaliwanag si Jay.
“Ngunit kahit makatwiran ang paliwanag ko po kamahalan ay hindi po ako ang magpapasya sa kung ano dapat ang ihatol sa taong iyon.” wika ni Jay sa reyna. “Ibibigay ko po ang karapatan para hatulan ang taong iyon sa nilalang na ito. Pero bago po siya magpasya ay may itatanong lang ako sa kanya.” ani Jay.
“Alam mo ba kung may pamilya ang taong iyon?” tanong ni Jay.
Umiling lang ang nilalang.
“Alam mo ba na may kinakain ang taong iyon? Alam mo ba na maaring ang kinukuha niyang kahoy ay ipapalit niya para may makain siya o sila?” sunod-sunod na tanong ni Jay.
Gaya ng una ay puro iling lamang ang nilalang.
“Alam mo ba na baka may anak siya na hindi pa nakakakain ng tatlong araw dahil sa wala silang kakainin kaya niya naisipang pumunta ng gubat para kumuha ng kahoy para may ipalit sa pagkain?” pagpapatuloy ni Jay.
Umiling uli ang nilalang.
“Paano kung pinarusahan mo siya at hindi siya makapagtrabaho? Walang kakainin ang kaniyang anak?” ani Jay. “Ngayon ay ibinibigay ko na sa iyo ang karapatang magbigay ng hatol sa taong iyon.” pagtatapos ni Jay.
“Ano ang iyong pasya nilalang?” tanong ni Haring Erasmos sa nilalang.
“Huwag na po natin siyang bigyan ng kaparusahan.” wika ng nilalang. “Salamat po sa inyong makatwirang pagpapasya ukol sa aking idinulog na suliranin.” dagdag nito saka nagpaalam nang umalis.
“Kahanga-hanga ang iyong kahusayan sa pagpapasya Prinsipe Jay. Hindi nga nagkamali ang kwintas sa pagpili sa iyo.” ani Reyna Odessa.
Sinang-ayunan ito ng mga ministro maliban sa isa.
“Ngunit hindi dapat natin kampihan ang mga tao kamahalan.” wika ni Ministro Lisandro.
“Ang ginawa lamang ni Prinsipe Jay ay ang siyang makatwiran. Kahit tao pa iyon ay narrapat lamang na ibigay sa kaniya ang makatwirang pagpapasya. Tandaan mo iyan ministro.” sagot ng reyna.
“Gutom ka na ba?” tanong ni Prinsipe Marcus kay Jay.
Bigla namang tumunog ang tiyan ni Jay hudyat na gutom na nga siya.
“Hahahaha. Hindi mo na pala kailangang sumagot kasi sikmura mo na ang sumagot sa tanong ko. Hahahaha.” natatawang wika ni Prinsipe Marcus.
“Kanina pa nga ako gutom eh. Hahahaha.” masayang sagot ni Jay. Kanina pa nga siya gutom ngunit himalang ni hindi man lang niya ito naramdaman kanina sa bulwagan ng palasyo.
Paano ba naman hindi siya sasaya? Parang kapiling lang niya ang namayapa niyang kuya ngunit iba nga lang ang katauhan nito. Kung hindi niya nakita mismo ang pagkamatay ng kaniyang kuya ay maari niyang mapagkamalan na ito nga ang kuya niya at nagtatago lamang sa kung saan at ibinalita lamang sa kanila na patay na. ngunit kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano namatay ito at siya pa ang dahilan.
Kanina pa siya nakapasok sa kaniyang silid kasama ito. Kanina pa rin niya ito pinagmamasdan habang kinakausap siya nito ngunit hindi niya sinasagot. Masaya kasi siya
habang minamasdan ang maamo nitong mukha. Gusto niyang isaulo sa kaniyang isipan ang hitsura nito dahil sa oras na umalis na siya sa lugar na ito ay hindi na sila magkikita pang muli. Binabalak kasi niyang tumakas dito at umuwi na sa kaniyang mundo. Naputol lamang ang kaniyang pag-iisip nang bumukas ang pinto ng kaniyang silid.
“Nandito na pala ang ating pagkain.” wika ni Prinsipe Marcus.
Kakaiba talaga dito sa mundo nila Prinsipe Marcus. Minsan gumagamit sila ng kapangyarihan, minsan naman ay hindi. Gaya nalang ngayon, may nagdala sa kanila ng pagkain. Minsan lilitaw nalang naman mula sa kawalan ang mga pagkain.
“Dito tayo kakain? Hindi ba natin kasabay ang mga magulang mo Prinsipe Marcus?” tanong ni Jay.
“Hangga’t hindi ka pa ipinakikilala nang pormal dito sa aming kaharian ay hindi mo pa sila pwedeng makasalo sa pagkain.” sagot naman ni Prinsipe Marcus. “Dito ako kakain upang mayroon kang makasalo sa iyong pagkain.” dagdag nito.
Kinilig naman si Jay sa sagot sa kaniya ni Prinsipe Marcus. Sasamahan pa talaga siya sa pagkain kahit hindi nito makasalo ang sariling mga magulang sa pagkain.
Matapos mailapag ng mga tagapagsilbi ng kaharian ang kanilang pagkain ay sinimulan na nilang kumain. Inutusan naman ni Prinsipe Marcus ang tagapagsibi na umalis na at ito naman ay tumalima.
Tulad noong unang kain ni Jay ay prutas lang ang kaniyang kinakain ngunit mayamaya lang ay sinubukan niya ding kumain ng inihaw na manok. Sarap na sarap kasi si Prinsipe Marcus habang kumakain nito kaya na-engganyo si Jay. Ngunit gaya noong una ay wala pa rin siyang malasahan pero ipinagpatuloy pa rin niya ang pagkain dito at medyo nasasanay na rin ang kaniyang panlasa.
Habang kumakain ay nag-iisip si Jay kung paano siya makakaalis sa mundong iyon. Hindi siya dapat magtagal doon. Kailangan niyang bumalik sa sarili niyang mundo. Naalala kasi niya na maari siyang maparusahan oras na may magsuplong sa kaniya. Kahit pa kapiling niya ang nilalang na nagsasabing siya ay nakatadhana dito dahil siya ang napili ng kwintas ngunit magkaiba ang kanilang mundong ginagalawan.
“Prinsipe Marcus, may itatanong ako sa iyo.” sabi ni Jay habang nginunguya ‘yong kaniyang kinakakain. “Pero baka magalit ka, huwag nalang kaya.” pag-aalinlangan ni Jay.
“Hindi. Ano ang itatanong mo sa ‘kin?” ani Prinsipe Marcus. Ngunit alam na niya kung ano ang itatanong nito.
“Paano kayo nakakapunta sa mundo ng mga tao?” deretsahang tanong ni Jay na nagpahinto sa kaniya sa pagkain. Gusto niya kasing malaman nang sa gayon ay makaalis na siya sa lugar na iyon.
Tumigil sa pagkain si Prinsipe Marcus saka matamang tumitig kay Jay. Kahit may pag-aalinlangan ay sinagot rin siya ni Prinsipe Marcus.
“May apat na lagusan patungo sa mga tao. Una ay iyong puno malapit sa tahanan ng mga diwata. Walang sinuman ang nakakadaan doon papasok man o palabas dahil may nakabantay na diwata dito.” simula ni Prinsipe Marcus. Matamang nakikinig naman si Jay sa sinasabi nito.
“Ang ikalawang lagusan ay ang iyong dinaanan sa may kakahuyan. Hindi rin basta-basta makakadaan dito kasi kailangang magtakip-silim muna bago bumukas ang lagusan dito at panandalian lamang ito. Kapag nagtago na ang araw ay magsasara na ito. Bubukas lamang ito kung may hawak kang bagay na makapangyarihan galing dito sa mundo namin, kagaya mo ay ang kwintas ang nagbukas ng lagusan.” pagpapatuloy ni Prinsipe Marcus.
Wala pa ring salita si Jay. Hinahayaan niyang magsalita lamang si Prinsipe Marcus. Iniisip kasi niyang hindi siya basta-basta makakadaan sa dalawang mga nabanggit na lagusan. “Baka pwede sa pangatlong lagusan.” ani Jay sa sarili.
“Ang ikatlong lagusan naman ay iyong dalawang malalaking puno malapit sa hangganan ng palasyo. Ang daang iyon ay bukas kahit anong oras ngunit ang tinutumbok naman nito ay sa pusod ng kagubatan. Kaya iyon bukas ay sa kadahilanang doon dumadaan ang mga nagtatrabaho para kumuha ng pagkain at anumang pangangailangan mula sa gubat.” pagtatapos ni Prinsipe Marcus saka kumain uli.
Kumain na rin si Jay. Hinihintay niyang magsalita ulit si Prinsipe Marcus para sa ikaapat na lagusan ngunit hindi na ito nagsalita pa.
“Sabi mo apat ang lagusan, bakit tatlo lang ang iyong nabanggit?” tanong ni Jay dito matapos ngumuya ng pagkain.
Medyo nag-aalinlangan si Prinsipe Marcus kung sasabihin ba niya o hindi kay Jay ang ikaapat na lagusan. Ngunit sa huli ay napagpasyahan din niyang sabihin ito sa kaniya. Tinapos niya muna ang kaniyang pagkain bago siya nagsalita.
“Ang ikaapat na lagusan kasi ay sikreto lamang. Kaming mga maharlika lamang ang gumagamit sa daang iyon ngunit wala pa yatang mga maharlika ang gumamit ng lagusang iyon maliban sa akin.” sagot ni Prinsipe Marcus. “Wala kasi silang balak na makihalubilo man lang kahit sa sinumang tao.”
“Kung iyong napansin noong una kitang ipinasyal dito sa aming kaharian ay hindi kita dinala malapit sa dalawang istatwa ng leon na may lumalabas na tubig sa kanilang bibig doon sa may hardin hindi ba?” tanong ni Prinsipe Marcus.
“Oo nga. Gustong-gusto ko pa naman pagmasdan iyon kaso nga lang ay hinila mo na ako papalayo.” pagsang-ayon ni Jay sa tinuran ni Prinsipe Marcus.
“Iyon ay sa kadahilanang iyon ay lagusan patungo sa inyong mga tao at ang tinutumbok nito ay ang puno kung saan mo ako nakita at nakausap.” sagot ni Prinsipe Marcus. “Dahil sa walang nakakaalam sa katotohanang iyan maliban sa aming mga maharlika kaya walang nagtatangkang gumamit sa lagusang iyan. Akala lang kasi ng karamihan ay palamuti lamang iyon sa hardin.” dagdag sabi ni Prinsipe Marcus.
Nahulog sa malalim na pag-iisip si Jay. Hindi na niya nagawa pang kumain kaya tinapos na niya ito. Tapos na rin naman si Prinsipe Marcus sa pagkain nito kaya mayamaya lang ay may dumating na tagapaglingkod ng palasyo at kinuha ang kanilang mga pinagkainan.
Nagpaalam munang aalis si Prinsipe Marcus kay Jay. Bago pa man makaalis ito ay nagtanong muna si Jay kung saan siya pwedeng makapaglinis ng katawan at sinabihan siya nitong maghintay at may papupuntahin itong tagapagsilbi sa kaniyang silid.
Ilang sandali pa ay may dumating na mga tagapagsilbi at dinala si Jay sa isa sa mga silid ng palasyo. Pinapasok na siya ng mga tagapagsilbi dito at akmang huhubaran na siya ng kaniyang damit nang sawayin niya nag mga ito at palabasin sa silid na iyon. Hindi kasi siya sanay na may nakakakita sa kaniyang kahubdan.
“Kaya ko na ang sarili ko. Maaaring hintayin niyo nalang ako sa labas ng silid na ito.” sabi ni Jay sa mga tagapagsilbi.
“Ngunit baka po kami parusahan ni Prinsipe Marcus kung kayo ay aming iiwan.”sagot ng punong-tagasilbi nang may pag-aalinlangan.
“Ako ang bahala sa inyo.” sabi ni Jay saka niya hinila ang mga ito palabas ng silid.
Matapos makapagbihis ay napagpasyahan ni Jay na matulog na at ipagpabukas nna lamang ang plano niyang pagtakas mula sa kakaibang mundong ginagalawan niya ngayon.
“Bukas ko na iisipin kung papaano ako makakaalis dito.” pinal na wika ni Jay sa sarili saka pumikit.
Dahil sa pagod sa maghapong ginawa ay dagling nakatulog si Jay. Ni hindi nga niya namalayan ang pagpasok ng isang nilalang sa kaniyang silid.
Nasa kasarapan na ng tulog si Jay nang maramdaman niya ang mga haplos at yakap sa kaniya ng isang nilalang na katabi niya sa kaniyang higaan.
Itutuloy……………………
Bilis ng update ah.. Nice Ice :D
ReplyDelete