Apr 12, 2012

King's Tears Chapter 14


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.



“O, bakit bigla ka nalang nalungkot diyan?” pansin ni Prinsipe Marcus kay Jay. Napalitan kasi ng lungkot ang kani-kanina lang na masayang mukha ni Jay.

“Gusto ko sanang kuhanan ng larawan sila kaso low bat na ang cellphone ko.” paliwanag ni Jay. “Ewan ko ba, hindi naman kasi ito low bat.”

“Low bat? Ano iyon?” takang tanong ni Prinsipe Marcus. “At ito, anong klase ito ng kasangkapan?” sunod-sunod na mga tanong ni Prinsipe Marcus kay Jay sapagkat ngayon lang niya narinig ang mga gayong salita habang tinuturo nito ang tangang cellphone ni Jay.

Ang pinuno ng mga diwata rin na si Liwayway ay matamang nakikinig sa pag-uusap ng dalawa at nahalata naman ito ni Prinsipe Marcus. Kahit pa kaibigan niya ang mga ito at nasa kaniya ang katapatan ng mga ito ay minabuti na lamang ni Prinsipe Marcus na magpaalam sila ni Jay kaya bago pa man makasagot si Jay ay nagsalita na siya.

“Paalam sa inyo mga munting kaibigan. Kami ay aalis muna sapagkat gusto kong ilibot dito sa ating kaharian ang aking mahal.” pamamaalam ni Prinsipe Marcus sa mga diwata.

“Paalam sa inyo mga diwata at sa inyo mahal na diwatang Liwayway.” pamamaalam din ni Jay. Hindi niya alam bakit bigla nalang nag-ayang umalis si Prinsipe Marcus bago pa man siya sumagot sa tanong nito.

“Isa pong karangalan sa aming mga diwata ang dalawin ng mga susunod na mamumuno dito sa ating kaharian.” sagot naman ng pinuno ng mga diwata.

“Paalam po sa inyo kamahalan.” sabay-sabay na sabi naman ng iba pang mga diwata.



Dinala ni Prinsipe Marcus si Jay sa isang liblib na lugar na walang sinumang makakarining sa kanilang pag-uusap upang doon sabihin ang kanyang pakay.

Humarap si Prinsipe Marcus kay Jay saka ito tinitigan bago magsalita.

“Jay, nais kong ikaw ay paalalahanan. Bago ko makalimutan na sabihin ito sa iyo ay sasabihin ko na ngayon. Hindi dapat malaman ng kahit na sinong nilalang dito sa aming kaharian na ikaw ay isang tao.” ani Prinsipe Marcus.

Naguguluhang napatitig si Jay kay Prinsipe Marcus. Bakit ayaw nitong malaman doon na isa siyang tao?

“Ayaw ng mga kauri ko sa mga tao sa kadahilanang kayo ay mas pinagpala ni Bathala kumpara sa amin. Kayo na siyang walang pakundangan sa pagsira sa mga nilikha ni Bathala ay mas binigyan ng laya kumpara sa amin. Samantalang kami naman ang naatasan na maging tagapangalaga at taga-bigay ng parusa sa sinumang lalapastangan sa nilikha ni Bathala at mahigpit na sinusunod namin ang batas ni Bathala.” simula ni Prinsipe Marcus.

“Inggit ang tawag diyan. Ngunit hindi rin naman kayo dapat mainggit sa mga tao kasi kayo naman ay biniyayaan ng  mga kapangyarihan na wala sa aming mga tao.” sansala ni Jay sa paliwanag ni Prinsipe Marcus. “Kung hindi rin ako nagkakamali ay hindi rin kayo tumatanda at kaya niyong mabuhay ng daang libong taon hindi gaya ng mga tao.” dagdag pa nito.

“Tama ka diyan. May mga kapangyarihan nga kami at hindi kami tumatanda. Nakikita nga namin ang mga taong namamatay sa katandaan na kung tutuusin ay mas bata pa sa amin ng ilang taon.” sagot ni Prinsipe Marcus.

“Ngunit kahit na ganoon pa man ay mas biniyayaan pa rin kayo ni Bathala. Hindi ko lubos na maipapaliwanag sa iyo ang lahat sa kadahilanang iyan na ang aming nakagisnan simula ng kami ay iluwal dito sa mundo.” pagpapatuloy nito.

“Bawat isa sa amin dito, kahit hindi man magsalita ay nagtataka rin at magtatanong din sa kanilang sarili kung bakit kayong mga tao ang siyang biniyayaan ni Bathala. Maging ako man ay iyan ang katanungan na naglalaro sa aking isipan ngunit sino ba naman ako upang tanungin si Bathala?” ani Prinsipe Marcus.

“Dahil sa ang mga tao ang mas biniyayaan ni Bathala kaya naisipan ng mga naunang namumuno dito sa aming kaharian maging sa iba pang dako ng daigdig na hindi na makisalamuha at pabayaan na lang kayong mga tao. Dahil diyan ay hindi na kami nakikisalamuha sa inyo at hindi rin namin hinahayaan na meron kahit isang tao na makapasok sa aming kaharian.”

“Kaya walang dapat makaalam dahil kapag nalaman nila ang totoo ay bibigyan ka ng kaparusahan na maaring makapahamak sa iyo at ayaw kong mangyari uli sa iyo ang sinapit mo kahapon dahil maging ako ay hindi rin maaaring makatulong sa iyo.” mahabang paliwanag ni Prinsipe Marcus habang si Jay naman ay matamang nakikinig dito.

“Sana maniwala si Jay sa huli kong sinabi sa kaniya upang di na siya umalis dito.” sa isip ni Prinsipe Marcus.

“Ngunit hindi ko naman ginusto na mapadpad ako dito sa inyong kaharian. Hindi ko nga alam kung bakit ako pa ang pinili ng kwintas kaya ako nakapunta dito.” sagot naman ni Jay habang nakatitig sa mga mata ni Prinsipe Marcus. “Hindi ko naman hiniling na ako ang piliin ng kwintas.” dagdag pa niya.

“Tanging ang kwintas lamang ang nakakaalam kaya nga dapat ilihim nalang natin ito.” sagot naman ni Prinsipe Marcus. “Wala namang nakakaalam dito sa aming kaharian na ikaw ay isang tao maliban sa amin ng orakulo na nagsabi na ang aking makakatuwang sa pamumuno dito sa aming kaharian ay galing sa lahi ng mga tao.” dagdag nito.

“Pero hindi ba at ako naman ang napili ng kwintas? Baka pwede ako nitong maisalba sa kanilang parusa.” sagot ni Jay.

“Kahit ikaw pa ang napili ng kwintas, hahadlangan iyan ng mga ministro kapag nalaman nilang ikaw ay isang tao.” ani Prinsipe Marcus.

Tumango-tango nalang si Jay at nag-isip. Aalamin niya kung papaano makakabalik sa mundo ng mga tao upang hindi sila umabot pa sa pagpaparusa sa kaniya.

“Gusto mo bang umupo?” tanong ni Prinsipe Marcus kay Jay.

“Oo, kanina pa nga ako napapagod sa kakalakad at pagtayo natin.  Ikaw naman e parang walang kapaguran.” sagot at puna ni Jay. Hindi pa kasi sila umuupo simula nang mag-usap sila.

Bago sumagot si Prinsipe Marcus ay kumumpas siya sa hangin at mula sa kawalan ay lumatag sa damuhan ang isang tela na magsisilbi nilang sapin. “Hindi ako mapapagod kapag ikaw ang aking kasama.” wika ni Prinsipe Marcus.

Umupo sila sa sapin na nakalatag damuhan. Habang sila ay nakaupo ay ngayon lang napagmasdan ni Jay ang kagandahan ng paligid. Habang natutuwa siyang pinagmamasdan ang kanilang kinaroroonan ay inihilig ni Prinsipe Marcus ang ulo ni Jay sa kaniyang dibdib saka ito niyakap.

Parang nananaginip ng mga oras na iyon si Jay at ayaw na niyang matapos pa iyon. Nasa ganoon sila na posisyon ng magsalita si Prinsipe Marcus.

“Ano nga pala ang tawag sa kasangkapang ipinakita mo kanina?” usisa ni Prinsipe Marcus.

“Ah, ito?” sagot ni Jay habang yakap-yakap pa rin siya ni Prinsipe Marcus na kinukuha ang kaniyang cellphone sa loob ng kaniyang kasuotan. “Cellphone ang tawag namin dito ngunit hindi ko naman magamit kasi low bat na. Hindi naman kasi ito low bat nung umalis ako sa bahay kahapon.”

“Kakaiba siyang uri ng kasangkapan.” namamanghang turan ni Prinsipe Marcus. “Ngunit ano iyong low bat at bakit hindi mo ito magagamit?” tanong nito.

“Low bat na ang ibig sabihin ay wala na itong enerhiya. Wala na’ng kuryente.” paliwanag ni Jay.

“Kuryente? Ano naman iyon?” tanong uli ni Prinsipe Marcus.

Natatawa nalang si Jay sa tinuran ng Prinsipe. Wala naman kasi ganoon sa kanila tulad sa mundo ng mga tao.

“Kuryente? Iyon ang nagbibigay buhay dito. Hmmmmm. Paano ko ba ipapaliwanag sa ‘yo?” sabi ni Jay saka nag-isip. “Alam ko na! Alam mo ‘yong kidlat?” tanong no Jay kay Prinsipe Marcus.

“Oo.” agad na sagot naman ni Prinsipe Marcus.

“Kasi ‘yong kuryente ay parang ganun din. Ngunit hindi ko ninais na manghuli ng kidlat para lamang magamit ko ito. Sigurado akong patay kapag natamaan ako ng kidlat.” ani Jay.

“Tara at may pupuntahan tayo.” sabi ni Prinsipe Marcus.

Napakalas sa pagkakayakap ni Prinsipe Marcus si Jay. Tumingin si Jay kay Prinsipe Marcus na parang nagtatanong ang mga titig niya. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito ngayon.

Tumayo si Prinsipe Marcus saka inalalayan nito sa pagtayo si Jay.

Mayamaya lang ay may dumating na isang putting kabayong may isang sungay at  may pakpak. Parang sa pelikula lang napanood ni Jay kaya siya ay namangha dito.

“Tara na at nang makarating agad tayo doon sa tahanan ng kaibigan kong diwata na maaaring makatulong sa iyong suliranin.” yaya ni Prinsipe Marcus kay Jay.

“Sino kaya itong kaibigang diwata na maaaring tumulong sa akin?” bulong ni Jay sa sarili habang hila-hila ni Prinsipe Marcus ang kaniyang kamay patungo sa kabayong may pakpak.

Naunang sumampa sa likod ng nilalang si Prinsipe Marcus. Matapos makasakay ay hinila naman niya ang kamay ni Jay upang ito ay makasakay na.

Nang makasakay si Jay ay agad na inutusan ni Prinsipe Marcus ang kabayo na lumipad. Dahil sa unang pagkakataon pa lang ni Jay na makasakay sa ganoong uri ng nilalang ay napayakap siya ng mahigpit kay Prinsipe Marcus habang nakapikit ang kaniyang mga mata.

Nang masigurong hindi siya mahuhulog ay dahan-dahang iminulat ni Jay ang kaniyang mg mata. Ganun na lamang ang kaniyang pagkagulat sa kaniyang napagmamasdan.

Kung namangha si Jay sa mga nakita niya noong namamasyal lang sila sa ibaba ay mas napahanga siya sa kagandahan ng kaharian na makikita sa itaas. Kahit nakasakay na siya ng ilang ulit sa eroplano ay iba pa rin sa pakiramdam ang makasakay sa likod ng lumilipad na kabayo. Ni sa hinagap niya ay hindi niya aakalaing makakasakay siya ng ganoon.

“Paano mo tinawag ang nilalang na ating sinasakyan?” tanong ni Jay habang nasa himpapawid na sila. “Hindi kasi kita nakita o narinig man lang na tumawag sa kaniya.”

“Siya ay aking alaga at sa pamamagitan ng aking isipan ay kaya ko siyang tawagin anumang oras ko gustuhin.” sagot ni Prinsipe Marcus sa tanong ni Jay.

“Ohhhh.” manghang turan ni Jay habang nakatingin sa kanilang dinadaanan.

“Sino ang pupuntahan nating diwata?” usisa ni Jay kay Prinsipe Marcus habang nagmamasid sa mga natatanaw niyang magagandang tanawin sa ibaba. Nawala na kasi ang kanyang takot kaya malaya na siyang nagmamasid ngayon.

“Siya si Diwatang Amihan. Siya ang diwata ng kulog at kidlat. Kaya tayo nakasakay dito sa aking alaga ay dahil sa nasa ibabaw ng ulap nakatayo ang kaniyang tahanan.” paliwanag ni Prinsipe Marcus.

“Ah, kaya pala.” ani Jay. Hindi na muli pang nagtanong si Jay dahil aliw na aliw siya sa kaniyang mga natatanaw.

Ilang sandali pa sa kanilang paglalakbay ay may natanaw silang makapal na ulap na kulay abo.

“Kumapit ka sa akin ng mahigpit Jay.” wika ni Prinsipe Marcus.

Nagtataka namang tumingin si Jay dito ngunit sinunod naman niya ito.

Mayamaya pa ay ibinalot ni Prinsipe Marcus sa kanilang dalawa ni Jay ang suot niyang kapa. Takang-taka naman si Jay sa ginawi nito.

Hindi napansin ni Jay na nasa bungad na pala sila sa mga makakapal na ulap na kulay abo.

Mayamaya lang ay may biglang narinig si Jay na napakalakas na tunog at pakiramdan niya ay nabingi siya sa lakas nito. Nakita naman ni Jay na tinamaan ng kidlat ang kanilang sinasakyang kabayo at mukhang bubulusok pa yata sila pababa.




Itutuloy……………………




No comments:

Post a Comment