Apr 15, 2012

King's Tears Chapter 15


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works is purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.




“Mahuhulog tayo!” malakas na sigaw ni Jay habang lalong humigpit naman ang yakap niya kay Prinsipe Marcus dala ng pinaghalong nerbiyos at takot.

“Huwag kang matakot. Nandito ako at hindi kita papabayaan.” ani Prinsipe Marcus upang huminahon si Jay.

Tinamaan ang kanilang sinasakyang kabayo ng kidlat kaya parang mahuhulog sila sa lupa dahil sa lakas nito ngunit mayamaya lang ay umayos na uli ang lipad ng kabayo.

Iminulat ni Jay ang kaniyang mga mata nang maramdaman niyang hindi sila nahulog. Nakita niyang maayos pa rin ang kalagayan ng kanilang sinasakyang kabayo. Kataka-taka dahil hindi man lang nasaktan ito bagkus ay mas naging mabilis pa ang paglipad nito simula noong tamaan ito ng kidlat. O tinamaan nga ba ito?

Napansin din niya na para silang nasa loob ng isang bolang kristal kaya ang mga kidlat ay hindi tumatama sa kanila ng derekta. Bagkus sa tuwing tatamaan ang parang bolang kristal na nakabalot sa kanila ay para namang hinihigop ng sungay ng kabayo ang kidlat. Ang kaninang malakas na tunog ng kulog aay kapnsin-pansin ding parang humina. Ito marahil ang kakayahan ng kabayong kanilang sinasakyan.

“Bakit hindi tayo tinatamaan ng kidlat?” usisa ni Jay kay Prinsipe Marcus at upang kumpirmahin na rin ang kaniyang sapantaha.

“Isa ‘yan sa mga kakayahan ni Haram. Ang gawing enerhiya ng kaniyang katawan sng kidlat.” ani Prinsipe Marcus.

“Hindi siya kagaya ng mga kabayo sa mundo niyo. Kabilang si Haram sa pamilya ng mga Bisiro.” pagpapatuloy nito. “Ang mga Bisiro ay kayang makalipad at makipaglaro sa kildat. Kung iyong mapapansin ay parang nakabalot tayo sa isang baluti. Simula kasi ng tamaan tayo ng kidlat kanina, iyon ay ginawang pananggalan ni Haram upang hindi tayo tamaan ng kidlat ngunit nagagawa pa rin naman niyang gawing enerhiya ang kidlat na tumatama sa ating pananggalang.” mahabang paliwanag nito.

“Kaya pala ganun.” namamanghang turan ni Jay. Ngayon ay nawala na ang kaniyang takot subalit nakayakap pa rin siya sa likod ni Prinsipe Marcus. Ramdam niya kasi na kapag nakayakap siya dito ay parang nawawala ang takot na kaniyang nadarama.

Minsan pa ay tinatamaan pa rin ang kanilang sinasakyan ng kidlat ngunit baliwala na iyon.




Nang makalagpas na sila sa kumpulan ng mga kulay-abong ulap ay tumambad naman sa paningin ni Jay ang bughaw na kalangitan.

Tanaw naman mula sa kanilang sinasakyang kabayo ang isang napakagandang palasyong nakatayo sa ibabaw ng mga ulap. Ito ay napapalamutian ng samut saring estatwa na halos karamihan ay kulay ginto.

“Iyan ang tahanan ng aking kaibigang si Diwatang Amihan.” ani Prinsipe Marcus habang tinuturo ang palasyo at si Jay ay matamang nagmamasid dito.

“Ang ganda!” namamanghang wika ni Jay.

Ilang sandali pa ay lumapag na ang kanilang sinasakyan sa harap ng palasyo. Naunang bumaba ng karwahe si Prinsipe Marcus bago siya nito inalalayan para makababa.

Parang prinsesa ang pakiramdam ni Jay at siya ay pinagsisilbihan ng kaniyang prinsipe. “Jay, magtigil ka. Panandalian lamang ito. Kailangan mong humanap ng paraan para makabalik sa mundo mo. Hindi ka bagay dito.” bulong ni Jay sa kaniyang sarili.

Pagkababa ni Jay ay tumuloy na sila sa loob ng palasyo. Manghang-mangha talaga si Jay sa kaniyang napagmamasdan. Hindi niya aakalain na makikita niya mga iyon ng personal.

Nang makapasok sila ay masayang pagbati mula sa isang napakagandang babae ang kanilang narinig.

“Isang karangalan ang muling pagbisita sa aking tahanan ng aking kaibigang Prinsipe Marcus.” wika nito. “At ngayon lang yata kita nakita na magsama ng ibang nilalang papunta dito sa aking tahanan?” dagdag uli nito.

“Masama na bang dalawin ang aking kaibigang diwata?” tanong naman ni Prinsipe Marcus. “At siya naman si Jay, ang makakatuwang ko sa pamumuno dito sa ating kaharian.” sagot naman sa tanong nito.

Hindi naman ito nagulat sa sinambit ni Prinsipe Marcus. “Tunay nga ang ibinulong sa akin ng hangin na natagpuan mo na ang iyong magiging katuwang. Bagamat alam kong hindi nagsisinungaling ang hangin sa pagdadala ng balita.” ani Diwatang Amihan. “Isang karangalan ang inyong pagbisita dito sa aking tahanan Prinsipe Jay.” bati naman nito kay Jay.

“Pagdating talaga sa pagsagap ng impormasyon ay hindi ka pahuhuli.” natatawa namang sambit ni Prinsipe Marcus sa tinuran ng kaibigang diwata.

“Kinalulugod kong makilala ang kaibigang diwata ni Prinsipe Marcus.” bati naman ni Jay kay Diwatang Amihan.




Bago nila ipinagpatuloy ang pag-uusap ay niyaya sila ng diwata na pumunta sa hardin nito kung saan daw ito gustong mamalagi para magpahinga o magmuni-muni.

Bagamat ito ang diwata ng kulog at kidlat ay kabaliktaran ang naabutang tanawin ni Jay sa hardin nito. Samu’t saring mga bulaklak ang kaniyang nakita dito at sa sapantaha niya ay mga de-klaseng orkidyas ito kung sa mundo ng mga tao ito makikita. Mayroon ding mga paruparo na nagliliparan dito.

Nang makaupo na sila ay may biglang lumitaw na inumin mula sa kung saan sa kanilang harapan.

“Bago niyo sabihin sa akin ang inyong sadya ay pagsaluhan muna natin ang sariwang katas na kinuha ko mula sa mga bulaklak dito sa aking hardin.” paanyaya ni Diwatang Amihan sa dalawa.

“Wala pa ring kupas ang iyong pakiramdam aking kaibigan. Alam mong mayroon kaming nais hilingin sa iyo. Hahahaha.” natatawang turan ni Prinsipe Marcus.

Matapos nilang inumin ang inihandang inumin sa kanila ay sinabi agad ni Prinsipe Marcus kay Diwatang Amihan ang kanilang sadya dito. “Maari mo bang bigyan ng enerhiya ang kasangkapang ipapakita sa iyo ni Jay?” tanong ni Prinsipe Marcus. “Batid ko kasing ikaw lang ang pwedeng makatulong sa kaniya dahil sa halintulad ng iyong kapangyarihan ang pwedeng magbigay ng enerhiya dito.” dagdag pa niya.

Ipinakita ni Jay ang kaniyang cellphone dito.

“Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng kasangkapan. Kakaiba siya. Mukhang hindi ito galing dito sa ating mundo Prinsipe Marcus.” tahasang sabi ni Diwatang Amihan habang masusing sinusuri ang kasangkapan.

“Tama ka dahil galing iyan sa mundo ng mga tao.” deretsong sagot naman ni Prinsipe Marcus.

“Ibig sabihin galing si Prinsipe Jay sa mundo ng mga tao?” gulat na tanong nito. “Kaya pala kakaiba ang kaniyang pangalan kung ihahambing sa pangalan dito sa ating mundo.” sabi nito ng makabawi sa pagkabigla.

“Oo, dahil sa sinabi sa akin ng orakulo na doon ko mahahanap ang aking magiging katuwang.” matapat na sagot ni Prinsipe Marcus sa kaibigan.

“Ngunit paano kung malaman ng iyong amang hari? Malaking problema ito.” nababagabag na turan ng diwata. “Walang sinumang tao ang pwedeng makapasok sa ating mundo.” dagdag nito.

“Walang pwedeng makaalam ng lihim na ito at wala kaming pinagsasabihan ng tungkol dito maliban sa iyo. Hindi mo naman siguro ako ipagkakanulo hindi ba aking kaibigan?” tanong ni Prinsipe Marcus sa kaibigang diwata.  “May dahilan si Bathala kung bakit siya ang ibinigay para sa akin.” dagdag pa nito.

Si Jay ay kinakabahan at matamang nakikinig lamang sa pag-uusap ng dalawa. Naalala kasi niya na pwede siyang maparusahan dahil isa siyang tao na nakapasok sa mundo ng mga hindi nakikita.

“Sumumpa ako sa iyo na nasa iyo ang aking katapatan Prinsipe Marcus. Asahan mong wala akong pagsasabihan tungkol dito. Kung ang orakulo mismo ang nagsabi nito ay may gustong mangyari si Bathala at alam kong para sa ikagaganda ito ng ating mundo.” sagot ni Diwatang Amihan.

“Paano naman ako makakatulong sa iyong suliranin?” tanong ni Diwatang Bolta kay Jay. “Ano ang magagawa ng kapangyarihan ko upang magamit mo ang iyong kasangkapan? Baka hindi mo batid kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan at maging sanhi pa ito upang mawasak ang iyong kasangkapan.” dagdag sabi nito.

Alam naman ni Jay kung gaano kalakas ang kidlat kaya alam niya kung ano ang sinasabi nito.

“Pwede po bang ang ibigay niyo lang ay iyong pinakamaliit na bahagi ng inyong kapangyarihan lang?” sabi ni Jay.

“Susubukan ko. Sana ay hindi tayo mabigo at gumana ang iyong kasangkapang dala.” sagot ng diwata.

Itinuro ni Jay kung saan dapat i-supply ang boltahe sa cellphone niya. Ilang saglit lang ay napagana na nga ito.

Namangha sina Prinsipe Marcus at Diwatang Amihan sa kanilang nasaksihan sa paggamit ng cellphone.

Matapos maipakita sa dalawa ni Jay ang paggamit ng kaniyang cellphone ay kinuhanan niya ng larawan ang kaibigang diwata lingid sa kaalaman nito.

“Diwatang Amihan, tingnan niyo po ito.” wika ni Jay sa kaibigang diwata.

Nagulat ang diwata sa kaniyang nakita.

“Ahhhhh. Anong sumpa ang iyong ibinigay? Bakit ako nakakulong sa kasangkapang iyan?” gulantang sigaw nito na bakas sa mukha ang takot.

Maging si Prinsipe Marcus ay nabigla at hindi alam ang gagawin para matulungan ang kaibigan.

“Huwag po kayong matakot dahil hindi po kayo nakakulong. Larawan niyo lang po iyan.” paliwanag ni Jay sa diwata at kay Prinsipe Marcus.

“Larawan lang?” di pa rin makapaniwalang tanong ng diwata.

“Opo. Kuhanan ko rin po ang ating sarili kasama si Prinsipe Marcus.” sabi ni Jay.

Kinuhanan nga niya nag kaniyang sarili at ang mga ito. Natuwa ang mga ito sa kaniyang cellphone. Maging ang mga ito ay salitan na hiniram ang cellphone niya upang subukan ang kaniyang tinuro dito.

Sinubukan ding kuhanan ng video ni Jay sila Prinsipe Marcus at Diwatang Amihan habang nag-uusap. Matapos makuhanan ay ipinakita niya ito sa dalawa. Tulad noong una ay nabigla sila dahil kitang-kita nila ang kanilang sarili sa loob ng cellphone na gumagalaw.

“Kakaiba talaga ang kasangkapang gamit mo Prinsipe Jay.” namamanghang wika ni Diwatang Amihan.

Maging si Prinsipe Marcus ay namangha rin sa kamitan ng mga tao.

Nagtagal pa ng konti sila doon sa tahanan ng diwata bago nila napagpasyahang lumisan dito.

“Hangad ko ang ikabubuti ng inyong pamamahala sa ating kaharian kamahalan. Nawa ay kasihan kayo ni Bathala at nawa’y walang makaalam sa inyong lihim.” sabi ni Diwatang Amihan bago umalis sina Prinsipe Marcus at Jay.




Takip-silim na ng makarating sa palasyo sila Jay.

Bago pumunta sa kaniyang silid si Jay ay niyaya muna siya ni Prinsipe Marcus sa bulwagan upang kumustahin ang kaniyang mga magulang.

Naabutan nilang nandoon lahat ng mga ministro na kausap ang hari at reyna. Napansin din nila na may isang nilalang na may bukol sa ulo at namamaga ang mata.

Nagbigay-pugay ang mga ministro sa kanila matapos nilang makipagbigay-pugay sa hari at reyna. Matapos nito ay nagsalita ang isang ministro.

“Kamahalan, narito po ang isang nilalang na nais dumulog sa inyo upang siya ay matulungan sa kaniyang suliranin, ang makaganti sa taong nanakit sa kaniya.” wika ng ministro.

“Tamang-tama at narito ang mga susunod na mamamahala dito sa ating kaharian. Pakinggan natin kung ano ang kanilang magiging pasya ukol sa sulirang idinulog sa atin.” wika ng hari.

Nang makaupo na sila Prinsipe Marcus at Jay sa upuan malapit sa hari ay nagwika si Prinsipe Marcus.

“Isalaysay mo kung ano ang nangyari, nilalang.” wika ni Prinsipe Marcus.

“Habang ako po ay nasa kagubatan upang kumuha ng makakain para sa aking pamilya ay may nakasabay po akong tao na nangunguha ng panggatong. Kakaumpisa ko pa lang po na maghanap ng makakain at ang tao ay malapit nang matapos. Habang ako ay nangunguha ng prutas ay lumapit ang tao sa patay na puno malapit sa pinagkukuhanan ko ng prutas at kaniya itong pinutol. Natumba ang patay na puno patungo sa pinagkukuhanan ko nang prutas at ako’y nahagip nito dahilan upang malaglag ako sa lupa at magkaroon ng bukol.” pagsasalaysay ng nilalang na mangiyak-ngiyak pa.

Matamang nakikinig ang hari at reyna sa salaysay ng nilalang. Pati si Prinsipe Marcus at Jay ay ganoon din ang ginawa.

“Dapat maparusahan ang taong iyon!” sabi ng isang ministro.

“Dapat pong maparusahan ang taong iyon dahil kung hindi ako nasaktan, makakapaghanap pa sana ako ng makakain ng aking pamilya.” wika ng dumulog na nilalang.

“Dapat pong maparusahan ang taong iyon kamahalan.” halos sabay-sabay na wika ng mga ministro.

“Ano ang pasya mo Prinsipe Marcus?” tanong ng hari sa kaniyang anak.

“Kung ano ang pasya ni Jay ay ganoon din ang aking magiging pasya.” sagot ni Prinsipe Marcus sa tanong ng kaniyang ama.

“Ano ang iyong pasya Prinsipe Jay?” tanong ng hari kay Jay.

Matamang nakatitig si Jay sa nilalang na dumulog na animo ay may malalim na iniisip.




Itutuloy……………………





2 comments:

  1. sa wakas icicles, sa wakas nag-update ka! hahaha
    msta kna? d kta mahuli sa chatango m ~_~

    ReplyDelete